‘Himala’ (Part 9)
Kalahating oras ang inilagi ko sa loob ng simbahan. Nakaluhod ako at taimtim na nagpapasalamat sa ginawang himala ng Diyos sa aking ama.
Muling tumulo ang aking luha sa tindi ng pasasalamat at katuwaan dahil sa nangyari.
Pasado alas dos na ng hapon nang lumabas ako sa simbahan.
Nang dumating ako sa bahay ay inaabangan na pala ako ni Nanay at nagtataka ito kung bakit napakatagal kong dumating.
“Nagdaan pa po ako sa simbahan, Nanay para magpasalamat sa Diyos.”
“Magpasalamat?”
“Opo.”
Nakatingin nang makahulugan sa akin si Nanay.
“Ano nga pala ang resulta ng x-ray at lab tests ng tatay mo?”
Sa pagkakataong iyon ay buong lakas kong sinabi kay Nanay na wala nang bukol na nakita sa baga ni Tatay.
“Walang trace ng bukol sa baga, Nanay. Malinis!” sabi ko.
Napamulagat si Nanay. Hindi makapaniwala.
“Salamat sa Diyos,” nasambit ni Nanay at napaiyak.
“Bukas, uulitin ang x-ray at iba pang tests kay Tatay sabi ni Doktor. Para raw makatiyak,” sabi ko.
“Sasabihin ko sa tatay mo ang magandang balita.”
(IItutuloy)
- Latest















