Imago (10)
PAULIT-ULIT na binalikan ni Maya sa kanyang isip ang hitsura ng babae sa monitor. Malabo ang CCTV, pixelated, may “noise” ang kuha, at nanggagaling ang liwanag sa likod kaya halos anino lang ang mukha. Habang tumatagal, lalong naghahalo ang takot at pagdududa sa kanyang dibdib. Ako nga ba talaga ‘yon?
Mula nang mawala si Mina sampung taon na ang nakararaan, hindi na naging maayos ang tulog ni Maya. Nabubuhay siya sa tulong ng sleeping pills. May mga umagang nagigising siyang pagod, may mga oras na hindi niya maalala kung paano siya nakarating sa isang lugar. Ang trauma ay unti-unting lumalamon sa kanyang alaala. Posible bang nag-blackout siya kaninang alas-diyes?
“Maya, makinig ka sa akin,” banayad ang boses ni Nelson habang nakaupo sa tabi niya. Ibinaba nito ang hawak na tasa. “Kahapon, noong naglalakad tayo sa Ueno Park, napakalakas ng hangin. Nagbabagsakan ang petals ng cherry blossom. Bukas ang camera bag mo habang nagpapalit ka ng lens, hindi ba?”
Napatitig si Maya sa kanyang kaibigan.
“Kaya malamang, doon lang sumama ang talulot na ‘yan,” pagpapatuloy ni Nelson, tinuro ang tuyong bulaklak sa mesa.
“Napagod ka lang. Ang isip mo, gumagawa ng multo para may mahanap kang sagot.”
Nanghina si Maya. Tumingin siya sa salamin ng silid. Ang kanyang sariling mukha ay tila naging isang estranghero. Kung hindi niya kayang pagkatiwalaan ang sarili niyang mata at alaala, paano niya lalabanan ang isang kalaban na maaaring guni-guni lamang ng kanyang nababasag na isipan? (Itutuloy)
- Latest


















