Imago (8)
MABILIS na nag-empake si Maya pagkabalik sa hotel sa Shinjuku. Hindi niya ipinakita kay Nelson ang huling text ng salarin, ngunit nagdahilan siyang may “emergency family matter” kaya kailangan niyang putulin ang bakasyon at lumipad agad pabalik ng Maynila kinagabihan. Nag-aalala man ang kaibigan ay wala itong nagawa kundi tulungan siyang mag-ayos ng mga gamit.
Ngunit nang maiwang mag-isa si Maya sa silid upang kunin ang kanyang pinakamahalagang kagamitan ang kanyang camera bag doon siya tuluyang napatigil.
Bukas ang zipper ng bag.
Nanginig ang kanyang mga daliri habang tinitingnan ang loob nito. Kumpleto ang mga lens, naroon ang mga memory card, ngunit may isang bagay na nadagdag na hindi kanya. Sa ibabaw ng kanyang pangunahing camera, may nakapatong na isang pirasong tuyong talulot ng cherry blossom, ang eksaktong uri ng bulaklak na nakita niyang nakapaligid sa bangkay ni Mina sa painting ng IMAGO.
Nilibot ni Maya ng kanyang paningin ang silid ng hotel. Pumasok ang killer dito. Habang nasa gallery sila ni Nelson, o habang nasa banyo siya, may estrangherong humawak sa mga personal niyang gamit. Walang ligtas na lugar. Ang hotel room na itinuturing niyang kanlungan ay naging entablado na rin ng laro ng kriminal.
Isinara ni Maya ang bag nang may matinding panginginig sa dibdib, ngunit pinalitan ng galit ang kaniyang takot. Isinakbit niya ito at mabilis na lumabas ng silid nang hindi na lumingon pa. Ang pag-uwi niya sa Pilipinas ay hindi na isang pagtakas. Ito ay pagtugon sa hamon ng isang demonyo.
(Itutuloy)
- Latest




















