Imago (3)
BAGO pa man tuluyang maproseso ng utak ni Maya ang narinig, mabilis na naglaho ang anino. Ang estranghero ay nahalo sa dagsa ng mga turistang papalabas ng gallery, na tila ba isang guni-guni lamang. Naiwan si Maya na humihingal sa sahig, ang kaniyang buong katawan ay nanginginig sa takot at kalituhan. Sino ang lalaking iyon? Paano nito nalaman ang kaniyang pangalan?
Sa tulong ng isang nag-aalalang staff ng art gallery, nagawa niyang tumayo at lumabas sa malamig na hangin ng Tokyo. Ngunit kahit sa malawak at mataong kalsada, hindi nawala ang bigat sa kaniyang dibdib. Ang bawat estrangherong dumarating, mga lokal na nagmamadali, mga turistang may dalang shopping bags, ay tila ba mga mata na nakabantay sa kaniya.
Bumalik siya sa kanyang tinutuluyang maliit na hotel sa Shinjuku, ni hindi pinapansin ang makukulay na neon lights sa paligid. Pagkasara ng pinto ng kaniyang silid, doon lamang siya nakahinga nang malalim. Ni-lock niya ang pinto gamit ang chain at ibinaba ang mga kurtina upang magdilim ang silid.
Inilabas niya ang kaniyang cell phone at tinitigan ang huling mensahe ng kaniyang pamilya mula sa Maynila. Ang bakasyon na binuo niya upang takasan ang stress sa trabaho ay tila naging malaking bitag para balikan niya ang isa sa napakalaking bubog na nakabara sa kanyang puso: ang hindi maipaliwanag na pagkawala ng kanyang pinakamamahal na kambal. (Itutuloy)
- Latest


















