^

Punto Mo

EDITORYAL — Nagpatakas kay Bato nararapat managot­

Pang-masa

DITO sa Pilipinas, kapag maliit o mahirap na tao ang nagkasala, mabilis na inaaresto at ­ikakalaboso. Ngunit kapag ang maysala ay ­maimpluwensiyang senador, mismong ang Senado ang nagsisilbing kuta at kanlungan ng mga nagtatago sa batas. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit mababa ang pagtingin ng ordinaryong mamamayan sa sistema ng hustisya sa bansang ito.

Ang naganap na pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong madaling araw ng May 14, 2026, sa tulong ni Sen. Robin Padilla, ay garapalang pambabastos sa hudikatura. Katwiran ni Padilla, nakisakay lamang si Dela Rosa sa kanyang sasakyan. Subalit ang mga palusot na ito ay tuluyan nang winasak ng imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Sa mga kuha ng CCTV, malinaw na ang pagtakas ni Dela Rosa ay planado, at binuong ­operasyon ng mga makapangyarihang tao. May kasama pang backup na sasakyan na rehistrado sa mismong tiyuhin ni Padilla na taga-Angeles City, Pampanga. Ang paggamit sa kanyang Deputy Chief of Staff na si retired colonel Jean Robles ay patunay na ginamit pa ang pondo at makinarya ng pamahalaan upang patakasin ang puganteng nahaharap sa mga krimen laban sa sangkatauhan.

Ang masakit na katotohanan, hindi lamang si Padilla ang nagkasala rito. Ang buong mayorya ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano ay ­kasabwat. Matapos gamitin ang pisikal na boto ni Dela Rosa upang mapatalsik si dating Senate President Tito Sotto, binuhat ng mayorya ang konsepto ng “protective custody” upang harangan ang pag-aresto ng NBI, sa kabila ng opisyal na pagbasura ng Supreme Court sa petisyon ni Dela Rosa. Ngayon, pilit pa nilang binabago ang mga patakaran ng Senado upang payagan si Dela Rosa na bumoto habang nagtatago. Dapat ipaalala ng Department of Justice (DOJ) kay Padilla at sa kanyang mga kamag-anak ang bigat ng Presidential Decree 1829 batas laban sa Obstruction of Justice. Para sa mga opisyal ng pamahalaan, ang paglabag na ito ay hindi lamang nagtatakda ng pagkakakulong, kundi may kalakip na habambuhay na pagbabawal na humawak ng anumang pampublikong tungkulin. Karapat-dapat lamang na hulihin at sampahan ng mabigat na kaso ang mga nagkanlong kay Dela Rosa, kabilang ang scalawags sa Philippine National Police (PNP) na nagbigay pa umano ng proteksiyon at mga lisensiya ng baril sa senador.

Ang paghaharap ng kaso laban kay Robin Padilla ay magandang simula, ngunit ang pinal na tagumpay ay makakamit lamang kapag ang mga nagmamalinis na mambabatas ay tuluyan nang iniharap sa korte, hindi bilang mga mararangal na senador, kundi bilang mga karaniwang maysala na sumira sa tiwala ng bayan. Nararapat usigin at panagutin ang nagpatakas kay Bato.

KALABOSO

PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with