Flocerfida (Wakas)
MATAPOS ang masagana at masarap na tanghalian, pormal na ipinakilala ni Ericko si Dang kina Eunice at Efren.
Nilapitan si Dang at ipinakilala sa dalawa.
“Gusto kong makilala n’yo si Dang ang aking girlfriend na magiging ate n’yo na rin sa hinaharap.”
Nilapitan nina Eunice at Efren si Dang.
“Ang ganda mo Ate Dang! Bagay na bagay kayo ni Kuya Ericko,” sabi ni Eunice.
“Salamat Eunice.”
“At palagay ko, napakabait mo Ate,” sabi ni Efren.
“Salamat Efren.”
“Sana magpakasal na kayo ni Kuya Ericko.”
“Hindi muna. Meron pa kaming tatapusing karera. Mag-aaral pa ako ng abogasya at si Ericko ay Medisina.”
“Talaga?”
“Oo. Marami pa kaming pangarap.”
“Sana magtagumpay kayong dalawa,” sabi ni Eunice.
“Oo, Eunice, sa awa at tulong ng Diyos.”
“Lahat nang nagdadasal sa Diyos ay nagtatagumpay, Ate Dang.”
“Oo nga Ate,’’ sabi naman ni Efren. “Idinalangin namin ni Eunice na magkita at magkasama na kaming magkapatid at natupad. Walang imposible kapag hiniling sa Diyos. Gagawa ng himala ang Diyos.”
Napaluha si Dang at Eunice.
Sina Ericko, Kikoy at Malou ay namalisbis naman ang luha.
Nagsalita si Kapitan Jaime.
“O bago tayo magkaiyakan pa, kumain uli tayo.”
“Kakakain lang natin, Pareng Jaime.”
“Meryenda naman. Ang daming nakahandang meryenda sa kitchen. Halina kayo!”
Tinungo nila ang kusina at kumain nang masarap na meryenda.
- Latest















