‘Kuweba’ (Last Part)
“GINTO yan Tatay?” tanong kong hindi makapaniwala.
“Oo. Ganito ang nakita ko nang may makita ring ginto ang mga kasamahan kong hunter maraming taon na ang nakararaan.”
“Paano nagkaroon ng ginto rito?”
“Bahagi ng ninakaw na kayamanan ng Japanese na si Yamashita. Nang malapit nang bumagsak ang Japan, ang mga ninakaw ay ibinaon sa kung saan-saan. Dito sa kagubatang ito dinala ang mga bahagi ng kayamanan.”
“E di siguro, marami pang bara ng ginto sa mga kuweba?”
“Posible.”
“Pero ‘di ba sabi mo Tatay, hindi dapat pasukin ang kuweba dahil delikado?”
“’Yun ang sabi ng mga matatatanda. Pero palagay ko kaya sinabi iyon ay para huwag mapag-interesan ang mga nakatagong ginto sa kuweba.”
Napatango ako.
“Anong gagawin natin Tatay? Bawal ba ang magtago ng ginto?”
“Bawal daw, narinig ko. Pero ito na ang pagkakataon nating makaahon sa hirap. Pakakawalan pa ba natin ang suwerte na ito?”
Napatango na lang ako.
NAGBIGAY sa amin ng kaginhawahan ang ginto na aming natagpuan. Hindi ko alam kung paano ang ginawa ni Tatay para maibenta ang ginto. Pero iningatan namin ang lihim na iyon. Tanging ang pamilya lang namin ang nakaalam. Mula rin noon, itinigil na namin ni Tatay ang pangangaso.
- Latest















