^

Punto Mo

EDITORYAL — Mag-ingat sa leptospirosis

Pang-masa

WALA pang naiuulat na pagdami ng kaso ng leptospirosis sa bansa subalit nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat lalo’t paparating na ang tag-ulan. Babala ng DOH, na mag-ingat sa paglusong sa baha na kontaminado ng ihi ng daga at iba pang mga hayop. Ayon sa DOH, kung lulusong sa baha, magsuot ng bota. Huwag lumusong kung may sugat sa paa, binti o hita, sapagkat dito pumapasok ang virus na leptospira.

Sa Quezon City, may naireport nang 31 kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Marso 26, 2026.

Noong nakaraang taon, tumaas ng 38 percent ang kaso ng leptospirosis sa kaparehong buwan. Pinakamataas ang kaso sa Davao City na nakapagtala ng 94 na kaso at 23 ang namatay. Dumami rin ang kaso sa Cordillera Region na nakapagtala ng 22 kaso.

Sabi ng DOH huwag balewalain ang leptospirosis. Kapag marumi ang paligid, maraming daga at ang mga ito ang pinanggagalingan ng virus. Ayon sa DOH, hindi lamang sa ihi ng daga nanggaling ang leptos­pirosis kundi sa iba pang hayop.

Kapag pumasok ang virus sa binti at paa, lilitaw ang mga sintomas ng leptospirosis. Makararanas ng lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo at kulay tsaa ang ihi. Kapag nakaranas ng sintomas, dalhin agad sa ospital ang biktima.

Karamihan sa mga nagkaka-leptospirosis ay mga bata na madalas magtampisaw sa baha. Sa mga kalsada sa Metro Manila karaniwan nang makakakita ng mga batang nakalublob sa baha. Mayroon ding dumadayb sa estero. Walang pakialam ang mga bata habang nag­lulunoy sa baha.

Noong nakaraang taon, sinabi ng DOH na makiki­pag-ugnayan sila sa LGUs para tuluyang ipagbawal ang paliligo sa baha. Noong nakaraang taon din dumami ang mga nagka-leptospirosis at nagsiksikan sa mga ospital ang mga pasyente.

Sa ganitong sitwasyon, nararapat magtulung-tulong ang mamamayan sa paglipol sa mga daga na nag­hahatid ng leptospirosis. Ang unang hakbang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at sa loob ng bahay.

Magsagawa nang maigting na kampanya ang DOH upang maipabatid sa publiko ang panganib ng leptos­pirosis. Kapag tinamaan ng leptospirosis, naaapektuhan o nasisira ang kidney kaya isinasailalim sa dialysis ang pasyente.

Sundin ang paalala ng DOH na mag-ingat sa sakit. Sa mga magulang, bantayan ang inyong mga anak. Huwag silang hayaan maligo sa baha na kontaminado ng ihi ng daga. Nasa huli ang pagsisisi.

LEPTOSPIROSIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with