‘Kuweba’ (Part 8)
TINUNGO ko ang napansing makislap o makinang na bagay sa sulok ng kuweba. Abala si Tatay sa pagtatali sa paa ng nakatimbuwang na usa kaya hindi namalayan ang pagpunta ko sa sulok ng kuweba.
Dahan-dahan kong nilapitan ang bagay na kumikislap. Parang bato na nakasiksik sa ilalim ng lupa. Kumuha ako ng sanga ng kahoy sa ‘di-kalayuan at sinungkit ang kumikislap na bagay.
Matigas at mabigat ang bagay. Parang sementong tumigas.
Ilang ulit ko pang sinungkit ang kumikinang na bagay pero hindi ko matinag sa bigat. Nakalubog sa lupa.
Nagtataka ako kung bakit makinang.
Maya-maya, narinig ko ang tawag ni Tatay.
“Mike! Mike!”
“Tatay narito ako sa sulok!”
“Anong ginagawa mo riyan? Halika na. Hihilahin natin palabas ang usa!”
“Opo.”
Lumapit ako kay Tatay.
“Anong ginagawa mo roon sa sulok?”
“May nakita po akong kumikislap na bagay sa lupa. Nang sungkitin ko, mabigat.”
Hindi makapagsalita si Tatay. Tila kinabahan. (Itutuloy)
- Latest















