‘Kuweba’ (Part 4)
NANG pumasok sa kuweba ang usa, napahinto ako sa pagtakbo. Saglit na natigilan sapagkat naalala ko ang sinabi ni Tatay na huwag akong papasok sa alinmang kuweba rito sa gubat. Mapanganib daw. Iwasan ko raw.
Pero paano ko iiwasan ang kuweba e doon pumasok ang usa na tinamaan ni Tatay.
Sayang naman kung hahayaan na lamang ang usa. Baka ang makinabang lamang sa karne niyon ay mga bayawak. Napakalaki pa naman ng usa. Maraming karne ang makukuha. Paborito ko pa naman ang tapang usa.
Nilingon ko si Tatay kung sumunod ito sa akin. Wala pa siya. Malayo rin ang tinakbo ko nang sundan ang usa.
Nang hindi pa rin dumating si Tatay, lakas-loob na akong pumasok sa kuweba. Nasasabik na akong makita ang usa.
Dahan-dahan akong pumasok sa kuweba. Nang makapasok, nadama ko ang malamig na temperature. Maliwanag sa loob sapagkat may butas na singlaki ng bola ng basketball sa bahaging bubong ng kuweba. Naglalagos doon ang liwanag. Hinanap ko kung nasaan ang usa. Pumasok pa ako sa kaloob-looban. Lalong lumalamig ang temperature.
Hanggang may makita akong kulay puti na bagay sa dakong loob ng kuweba. Dahan-dahan kong tinungo.
(Itutuloy)
- Latest



















