Nag-resign pagkatapos ng sampung taon
Dear Attorney,
Nag-resign po ako sa kumpanya noong nakaraang linggo. Sampung taon na po ako sa kanila, at ang ibinigay lang nila sa akin ay ang aking 13th month pay. Wala po bang separation pay? At paano na ang aking ten years sa kompanya? — Gerald
Dear Gerald,
Nauunawaan ko ang iyong pagtataka, lalo na pagkatapos ng sampung taon ng serbisyo. Ngunit kailangang linawin ang isang mahalagang bagay: ang separation pay ay hindi isang karapatang awtomatikong natatanggap ng bawat empleyado na umaalis sa trabaho. Sa ilalim ng Labor Code, ang separation pay ay ibinibigay lamang sa mga empleyado na tinanggal sa trabaho dahil sa mga authorized causes tulad ng redundancy, retrenchment, o pagsasara ng kumpanya. Kung ikaw mismo ang nagdesisyon na umalis, ang karapatang iyon sa separation pay ay karaniwang hindi nararapat.
Ito ay isa sa mga pinakamahalagang bagay na dapat malaman ng bawat empleyado bago mag-resign. Ang boluntaryong pag-alis o resignation ay hindi nagbibigay sa empleyado ng karapatang makatanggap ng separation pay maliban na lamang kung ito ay nakasaad sa kontrata, sa isang company policy, o sa isang collective bargaining agreement kung miyembro ang empleyado ng isang unyon. Ang mga ito lamang ang mga nakikita kong paraan upang ikaw ay makatanggap ng separation pay base sa sitwasyon mo.
Ang malinaw na mayroon kang karapatang matanggap ay ang tinatawag na final pay. Bukod sa 13th month pay na ayon sa iyo ay ibinigay naman, binubuo rin ito ng iyong huling sahod para sa mga araw na nagtrabaho ka bago naging epektibo ang iyong resignation at iba pa katulad ng naipon na leave credits kung ang mga ito ay convertible to cash ayon sa patakaran ng iyong kumpanya o sa inyong kasunduan.
Kung naniniwala kang may mga benepisyo ka na dapat ibinigay ng kumpanya ngunit hindi mo natanggap, maaari kang kumunsulta sa DOLE o sa isang abogado upang masuri kung may iba ka pa ngang dapat matanggap batay sa iyong kontrata o sa mga patakaran ng iyong dating kompanya.
- Latest















