‘Kuweba’ (Part 2)
“BAKIT po delikado Tatay?” tanong ko makaraan naming makalampas sa isang kuweba. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit naging delikado o mapanganib na pumasok sa mga kuweba na nasa kagubatan.
“Marami kasing ahas na naninirahan sa kuweba. Mayroon ding mga makamandag na gagamba at alakdan sa loob,’’ sabi ni Tatay.
“Paano kung abutan tayo ng ulan dito sa gubat, hindi tayo sisilong sa kuweba?”
“Kung maari ay huwag. Mas sisilong tayo sa malaking puno o sa mga dampa na makikita natin.”
Ang dampa ay munting kubo na may bubong pero walang dingding at nagsisilbing pahingahan ng mga mangangaso.
“Basta tandaan mo, kahit anong mangyari, huwag kang papasok sa kuweba.”
“Opo Tatay.”
ISANG Sabado, maaga kaming umakyat ni Tatay sa gubat para mangaso. Bahagyang umambon nang makarating kami sa tuktok ng gubat.
“Tamang-tama. Umaambon. Maraming usa ang lalabas ngayon,’’ sabi ni Tatay. “Naghahanap kasi ng tubig ang mga usa.”
Tama ang sabi ni Tatay sapagkat isang malaking usa ang aming nakita.
Inasinta ni Tatay ang usa. BANG!
Sapol ang usa! Pero hindi napuruhan. Nakatakbo!
Hinabol ko!
(Itutuloy)
- Latest

















