‘Bubuyog’ (last part)
WALA na ang mga bubuyog ng tabuan nang ilitaw ko ang aking ulo mula sa pagkakalublob sa maputik at maruming lubluban.
Ang nakita ko ay aking mga kasamahan na nagtatawanan. Mayroong namimilipit sa tawa dahil marahil sa itsura ko na punumpuno ng putik at tae ng kalabaw.
“Anong nangyari sa’yo?” tanong ng isa.
“Bakit ka nakalublob diyan?”anang isa pa.
“Hindi naman swimming pool yan!”
Napuno ng halakhakan ang lugar.
Sinabi kong hinabol ako ng tabuan. Para makaligtas, dumayb ako sa lubluban.
Nagtawanan uli. Mas malakas.
“Mabuti at ‘di ka napuruhan. Delikado ‘yun,” anang isa.
“Ano bang ginawa mo?”
“Namitas ng kaimito. Akala ko, bunga ang napitas ko bahay ng tabuan pala.”
Tawanan uli.
“Kaya sa susunod, huwag mo sosolohin ang paglakad. Isama mo kami,’’ sabi ng isa.
“Oo nga.”
Mula nun hindi na ako lumakad nang nag-iisa. May leksiyon na ako.
- Latest




















