^

Punto Mo

Heat index nilinaw: Baka naiinitan ka!

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Ang heat index ay sukatan ng init na nararamdaman ng tao kapag pinagsama ang aktuwal na temperatura ng hangin at halumigmig o humidity. Hindi lang temperatura ang basehan kung gaano kainit sa pakiramdam. Kapag mataas ang humidity, mas mahirap sumingaw ang pawis sa balat kaya mas naiipon ang init sa katawan. Dahil dito, parang mas mainit kaysa sa tunay na temperatura.

Tinatawag din na “damang init” na nararamdaman ng katawan bunga ng kombinasyon ng air temperature (aktwal na temperatura ng hangin) at relative humidity (dami ng halumigmig o moisture sa hangin). Ito ay ayon kay Weather Specialist II Engr. Mark Louie A. Vergara ng Northern Luzon-West PAGASA Regional Services Division ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.   Tinalakay niya ito sa programang Tekno PreSyensiya ng DOST kamakailan.

Kapag mataas ang relative humidity, bumabagal ang pagpapawis ng katawan kaya mas tumitindi ang pakiramdam ng init at tumataas ang panganib sa kalusugan.

Ayon sa PAGASA, ang heat index ay may effect-based classifications: 27°C–32°C (Caution) kung saan maaaring makaranas ng pagkapagod; 32°C–41°C (Extreme Caution) kung saan posibleng magkaroon ng heat cramps at heat exhaustion; 42°C–51°C (Danger) kung saan mataas ang posibilidad ng heat cramps at heat exhaustion, at maaaring mauwi sa heat stroke; at 52°C pataas (Extreme Danger) na lubhang mapanganib at may mataas na panganib ng heat stroke.

Idiniin na kahit nasa Extreme Caution level pa lamang, maaari nang makaranas ng mga karamdamang bunga ng init lalo na kung tuluy-tuloy na exposure sa init.

Patuloy namang naglalabas ang DOST-PAGASA ng heat index forecasts at advisories, lalo na tuwing warm and dry season mula Marso hanggang Mayo.  Maaaring subaybayan ang mga ito sa opisyal na website at social media platforms ng DOST-PAGASA.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko na bantayan ang mga senyales ng heat stress tulad ng labis na pagpapawis, pagkahilo, pagkapagod, pagsusuka, at kakulangan sa tubig sa katawan.

Kapag nakaranas ng mga sintomas, agad na itigil ang aktibidad, magpahinga sa malamig o may lilim na lugar, at uminom ng sapat na tubig. Sa mga malulubhang kaso gaya ng pagkawala ng malay, kinakailangan ang agarang pagdala ng pasyente sa pinakamalapit na paggamutan.

Hinihikayat ang lahat na manatiling updated sa heat index forecasts at maging handa upang maiwasan ang panganib dulot ng matinding init.

•••••

Email- [email protected]

HUMIDITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with