EDITORYAL - Hustisya, mailap; Mga ‘wanted’ ‘di-malambat!
Mailap ang hustisya sa mga kaanak ng biktima. Matagal na silang umaasam na mahuhuli ang mga “utak” sa krimen, subalit hanggang ngayon, nananatiling malaya at hindi madakma. Hanggang kailan maghihintay ang mga kaanak ng biktima sa inaasam na katarungan?
Isa sa mga wanted ng batas na hindi mahuli-huli ng mga awtoridad ay ang dating Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Gerald Bantag.
Si Bantag ang tinuturong “utak” sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid sa Las Piñas City noong Oktubre 3, 2022. Binaril si Lapid habang patungo sa kanyang radio program dakong alas sais ng gabi. Nahuli ang gunman na si Joel Escorial at inamin na binayaran siya ng P550,000 para patayin ang mamamahayag.
Itinuro ni Escorial si Bantag at ang deputy nito na si Ricardo Zulueta. Sinampahan ng kaso sina Escorial, Bantag at Zulueta. Subalit nagtago si Bantag. Namatay naman si Zulueta nang atakehin sa puso. Hinatulan ng 16 na taong pagkabilanggo si Escorial.
Walang balita kung saan nagtatago si Bantag. Sabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla, pinuprotektahan si Bantag ng mga ka-tribu. Wala namang masabi ang Philippine National Police (PNP) kung saan nagtatago si Bantag.
Isa pang pinaghahahanap ng batas at hindi rin mahuli-huli ay ang negosyanteng si Atong Ang na itinuturong “utak” sa 34 na missing sabungeros. Nagtago si Ang makaraang ipag-utos ng Laguna Regional Trial Court na arestuhin ito kasama ang 17 iba pa na karamihan ay mga pulis.
Ayon kay Secretary Remulla, nasa Cambodia si Ang. Iniimbestigahan na raw kung paano nakalabas ng bansa ang negosyante. Maaring sa back door daw ito nagdaan. Lumutang naman na tinulungan si Ang ng mga retirado at aktibong police general para makatakas at makalabas ng bansa.
Isa pa sa pinaghahanap ay ang “big fish” na si dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na sangkot sa multi-milyong maanomalyang flood control projects sa Naujan, Oriental Mindoro. Napabalitang naaresto na sa Prague, Czech Republic si Co subalit makalipas ang isang linggo, sumambulat ang balitang nasa France na ito at humihingi ng asylum. Hanggang ngayon, walang balita kung nasaan na ang “malaking isda”.
May kakayahan pa ang mga awtoridad para malambat ang mga wanted sa batas? Ipagpapasa-Diyos na lamang ba ng mga kaanak ng biktima ang paghingi ng katarungan. Kumilos naman sana nang mabilis ang mga awtoridad para madakip ang mga pugante. Uhaw na uhaw na sa hustisya ang mga kaanak ng biktima at dapat na nila itong makamtan. Huwag patagalin ang kanilang paghihintay—lambatin ang mga pusakal.
- Latest















