^

Punto Mo

Sobra-sobra ang interes sa utang

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Humiram po ako ng pera sa isang kakilala ko. Pumayag naman ako sa sinabi niyang interes pero ngayon ay pakiramdam ko ay sobra-sobra na ang babayaran ko. May limitasyon po ba ang batas sa interes na maaaring ipataw sa utang?– Ramon

Dear Ramon,

Ang batas ay nagbibigay ng kalayaan sa magkabilang panig na magkasundo sa interes ng utang, ngunit hindi ito walang limitasyon. Sa ilalim ng Article 1306 ng Civil Code, maaaring magkasundo ang mga partido sa anumang mga tuntunin ng kanilang kasunduan basta hindi ito labag sa batas, sa public morals, o sa public policy. Ang problema ay maraming nagpapautang ang gumagamit ng kalayaang ito upang magpataw ng napakalaking interes na malinaw na pang-aabuso sa nanghihiram.

Dati ay nagtakda ang batas ng maximum na interes sa pamamagitan ng Usury Law, ngunit ang limitasyong ito ay epektibong tinanggal noong 1983 nang maglabas ng circular ang Bangko Sentral ng Pilipinas. Dahil dito, naging mas malaya ang mga nagpapautang na magtakda ng interes. Ngunit hindi naman ito nangangahulugang walang proteksyon ang nanghihiram. Paulit-ulit nang nagpasya ang Korte Suprema na ang interes na labis at malinaw na mapang-abuso ay maaaring bawasan o kanselahin ng korte batay sa prinsipyo ng equity at Article 1229 ng Civil Code. Sa kasong Medel v. Court of Appeals (G.R. No. 131622, 27 November 1998) halimbawa, ibinaba ng Korte Suprema ang interes na 5.5 percent bawat buwan dahil ito ay itinuturing na unconscionable o hindi na rasonable at katanggap-tanggap.

Ang 5.5 percent bawat buwan, o halos 66 percent bawat taon, ay matagal nang itinuturing ng ating mga korte na labis. Sa ilang mas bagong desisyon ay ginagamit na rin ng Korte Suprema bilang gabay ang 6 percent bawat taon bilang legal interest rate upang matukoy kung ang napagkasunduang interes ay makatuwiran o hindi. Kung ang interes na sinisingil sa iyo ay malayo sa numerong ito, mayroon kang magandang batayan upang kuwestiyunin ito sa korte.

Maari rin kuwestiyunin ang napakataas na interes kung wala namang kasulatang nagtatakda nito. Sa ilalim ng Article 1956 ng Civil Code, ang interes ay hindi maaaring singilin kung hindi ito nakasulat sa kasunduan. Ibig sabihin, kahit sabihin ng nagpautang na may napagkasunduan kayong interes, kung hindi ito nakasulat at napirmahan ng magkabilang panig, walang bisa ang gayong interes at hindi ito maaaring ipatupad sa korte.

Kung nais mong kuwestiyunin ang interes, maaari kang magsampa ng kaso sa korte at humingi na mabawasan ang napagkasunduang interes. Kung ikaw ay desidido na sa pagsasampa ng kaso, mainam na personal na kumunsulta sa isang abogado upang matulungan kang suriin ang iyong sitwasyon nang mas detalyado.

RAMON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with