Tanong sa tax declaration
Dear Attorney,
May bibilhin akong lupa sa probinsiya ngunit tax declaration lang ang hawak ng nagbebenta sa akin. Walang titulo ang lupa. Puwede na ba ang tax declaration para bilhin ko ito? —Teody
Dear Teody,
Ang tax declaration ay hindi katumbas ng titulo kaya hindi ka dapat umasa sa tax declaration lamang.
Sabi ng Korte Suprema sa kaso ng Palali v. Awisan (G.R. No. 158385, February 12, 2010) na ang tax declaration ay hindi konklusibong pruweba ng pagmamay-ari ng lupa.
Ayon din sa Korte Suprema sa kaso ng Daclag v. Macahilig (G.R. No. 159578, July 28, 2008), hindi maaring asahan ang tax declaration dahil wala namang nakasaad sa tax declaration na nagbibigay ng titulo o pagmamay-ari sa sinumang nakapangalan doon.
Tanging ang pagbabayad lamang ng real property tax kasi ang makikita mong nakasulat sa tax declaration. Maari lamang silang gamiting pangsuporta sa ibang pruweba ng pagmamay-ari katulad ng aktwal na titulo at aktwal na pag-okupa sa lupa.
Sa madaling sabi, hindi ka makasisiguro na protektado ka sa panloloko pagdating sa bentahan ng lupa kung ang tanging ipakikita sa iyo ng nagbebenta ay ang tax declaration nila. Mas mabuti kung umiwas ka na lang sa pagbili ng lupang sinasabi mo kung ang tanging dokumento na ipinakikita sa iyo ng nagbebenta sa iyo ay ang tax declaration at wala ka nang makitang ibang bakas ng pagmamay-ari mula sa nagbenta katulad ng pag-okupa sa lupa o ang Deed of Absolute Sale nito.
- Latest
















