^

Punto Mo

‘NEA sa ­gitna ng mga diumano’y ­alegasyon’

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

SA panahon na isinusulong ang malinis at tapat na pamamahala, hindi maiiwasan na masilip ang mga ahensiyang may direktang epekto sa araw-araw na buhay ng mamamayan lalo na sa kuryente. Ngunit kasabay ng pagsilip na ito ay ang pagdami rin ng mga diumano’y alegasyon na dapat suriin at himayin nang mabuti, hindi basta lunukin, at lalong hindi basta ituring na katotohanan.

Kumakalat ngayon ang mga diumano’y reklamo laban sa National Electrification Administration (NEA) sa ilalim ni Antonio Mariano Almeda? Ayon sa ilang sektor, may diumano’y pamimilit umano sa mga electric cooperative upang sumunod sa mga desisyong hindi raw malinaw kung para kanino ang tunay na pakinabang.

Sa SOCOTECO II, may mga diumano’y paratang ng “sweetheart deal” na pabor umano sa pribadong grupo. May mga nagsasabing ang proseso raw ay diumano’y minadali, diumano’y nilihis, at diumano’y hindi sinunod ang tamang bidding o konsultasyon. Ngunit hanggang ngayon, ang mga ito ay nananatiling diumano, sapagkat wala pang pinal na desisyon mula sa korte o sa Ombudsman.

Mayroon ding diumano’y isyu ng conflict of interest, kung saan i­nuugnay ang pangalan ng ilang opisyal sa pribadong sektor. Ayon sa mga nagsasalita, may diumano’y koneksyon na maaaring nakaimpluwensya sa mga naging desisyon, kailangan itong himayin at nangangailangan ng matibay na ebidensya at patas na imbestigasyon.

Hindi rin nakaligtas sa usap-usapan ang diumano’y P1.8 bilyong disbursement na sinasabing kulang umano sa dokumentasyon? Para sa mga consumer, seryoso ito dahil ang perang ito ay galing sa kanilang bulsa. Ngunit sa puntong ito, ang tanong, nasaan ang kumpletong audit? Nasaan ang opisyal na findings? Hangga’t wala, ang lahat ay nananatiling tsimis.

Sa gitna ng lahat ng ito, isang bagay ang malinaw: ang publiko ay may karapatang magtanong. Ngunit ang bawat tanong ay dapat sinasamahan ng pananagutan. Hindi sapat ang ingay kailangan ng ebidensya. Hindi sapat ang paratang kailangan ng proseso.

Kung may katotohanan man sa mga ito, dapat itong ilantad sa tamang paraan. Kung wala naman, dapat ding malinaw na mapawalang-sala ang mga inaakusahan. Dahil sa huli, ang tunay na kalaban ay hindi lamang korapsyon kundi pati na rin ang maling impormasyon.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon batay sa mga umiikot na diumano’y alegasyon at pahayag ng iba’t ibang panig. Wala itong layuning manira o magpahayag ng tiyak na akusasyon laban sa sinumang indibidwal o organisasyon. Ang lahat ng nabanggit ay nangangailangan pa ng beripikasyon at pinal na desisyon mula sa mga kinauukulang ahensya. Inilathala ito bilang pagtalakay sa mga isyung pampubliko at paniwas sa anumang paglabag sa libelo o cybercrime laws.

NATIONAL ELECTRIFICATION ADMINISTRATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with