Malaking utang sa credit card
Dear Attorney,
May malaki akong utang sa credit card na nagkakahalaga ng P300,000. Makukulong ba ako dahil dito? Kamakailan, nakatanggap ako ng final demand letter mula sa law firm na nakasaad na puwede raw akong makulong. —Elvie
Dear Elvie,
Sa tanong mo kung makukulong ka dahil sa utang sa credit card, wala naman talagang nakukulong dito sa Pilipinas dahil sa utang. Nakasaad sa Section 20, Article III ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na “no person shall be imprisoned for non-payment of debt”.
Gayunman, ang nasabing garantiya ng Saligang Batas ay para lamang sa mismong akto ng hindi pagbabayad ng utang. Hindi na saklaw ng proteksiyon na ito ang iba pang aksyon na may kinalaman sa naging pag-utang o sa hindi pagbabayad nito.
Hindi mo nabanggit kung ano ang laman ng demand letter mo pero malamang ay nabanggit doon ang Republic Act No. 8484 na pinarurusahan ang sinumang may credit card na lumipat ng tirahan o trabaho nang hindi nagpapaalam sa credit card company, kung mayroon siyang pagkakautang na higit sa P10,000 at hindi bababa sa 90 araw nang overdue o hindi pa nababayaran. Kaya kahit wala namang makukulong dahil lamang sa utang, maari pa ring maharap sa multa at sa pagkakakulong na hindi bababa ng anim na taon at hindi hihigit ng 10 taon ang isang credit card holder kung siya ay ma-convict sa ilalim ng nabanggit na batas.
- Latest















