Robot na all-around maid malapit na?
May mga kumpanya na sa iba’t ibang panig ng mundo ang seryosong nagsasaliksik kung paano makagagawa ng robot na kayang gumanap sa halos lahat ng gawaing bahay. Sa ngayon, karaniwang ang mga makinang nakatuon lamang sa iisang tungkulin. May robot para sa paglilinis ng sahig, may nakaprograma para sa paghahanda ng pagkain, at may mga sistemang ginagamit sa pag-aalaga ng matatanda o maysakit.
Gayunman, unti-unti nang nagbabago ang sitwasyon dahil sa mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence. Ang mga bagong robot ngayon ay hindi na lamang umaasa sa simpleng utos na naka-program sa kanila. Gumagamit na sila ng kombinasyon ng camera, sensors, at AI models upang makita ang kanilang paligid, umintindi ng utos, at magpasya kung ano ang gagawin. Sa ibang bansa, may mga humanoid robot na may anyong tao at may kakayahang maglakad, humawak ng gamit, at magsagawa ng iba’t ibang gawain sa loob ng bahay.
Subalit hindi pa ito nangangahulugan na handa na silang maging ganap na kasambahay. Sa totoong buhay, mas magulo at hindi tiyak ang kapaligiran. Iba-iba ang ayos ng bawat bahay, may mga bata, alagang hayop, at biglaang sitwasyon na kailangang harapin. Dito kadalasang pumapalya ang mga robot. Sa ilang pag-aaral, lumalabas na malaki pa rin ang porsiyento ng pagkabigo ng mga humanoid robot sa mga gawaing bahay dahil nahihirapan silang umangkop sa pabagu-bagong kondisyon. Ibig sabihin, kahit kayang gawin ang isang gawain sa demo, hindi pa ito garantiya na magagawa ito nang tuluy-tuloy sa pang-araw-araw na sitwasyon.
Isa pang malaking hadlang ay ang gastos. Ang mga humanoid robot na kasalukuyang dine-develop ay umaabot sa napakataas na halaga dahil sa komplikadong hardware tulad ng articulated arms, sensors, at high-performance processors. Dahil dito, nananatili silang abot-kamay lamang ng malalaking kumpanya o mayayamang indibidwal. Wala pa sa puntong kayang bilhin ng karaniwang pamilya ang ganitong uri ng teknolohiya.
Sa kabila nito, malinaw ang direksiyong tinatahak ng industriya. Pinagsasama ngayon ang robotics at AI upang makalikha ng tinatawag na general-purpose robot o all-around maid. Makakapaglampaso ng sahig, magwawalis, magluluto, maglalaba, sasagot sa telepono, magpapakintab ng sapatos, gigisingin ang amo para hindi mahuli sa trabaho at iba pa. Hindi malayong sa mga susunod na dekada ay magkaroon na ng ganitong mga robot na kasambahay.
Kapag nangyari ito, tiyak na magbabago ang takbo ng buhay sa loob ng tahanan. Isang makinang hindi napapagod, hindi nangangailangan ng pahinga, at kayang magtrabaho anumang oras ang papalit sa ilang gawaing dating nakaatang sa tao. Malulutas ang kakulangan sa kasambahay at mababawasan ang mga alalahanin sa pang-araw-araw na gawain.
Ngunit kasabay nito ay lilitaw ang mas malalalim na isyu tulad ng pag-aalaga at pagbabantay sa mga bata. Paano ipagkakatiwala ng magulang ang maliliit nilang anak sa robot na walang emosyon tulad ng malasakit, pagmamahal, pag-unawa, kunsiyensiya at ibang likas na damdamin ng tao? Karaniwan pa naman, sa mga kasambahay na tao na all-around, inaaasahan din sa kanila ang pag-aalaga sa mga mga bata. Malaking hamon ito sa mga tagagawa ng mga robot na kasambahay. Paano nila makukumbinsi ang mga magulang na ipagkatiwala ang seguridad at kaligtasan ng maliit nilang anak sa isang makina?
* * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















