Jumping jack ni PBBM
Marahil ay hindi sinasadya pero naipakilala kamakailan ni Pangulong Bongbong Marcos ang isang napakasimpleng ehersisyo nang gawin niya sa harap ng mga mamamahayag ang jumping jack upang ipakitang maayos ang kanyang kalusugan. Sa isang iglap, muling napansin ang isang ehersisyong matagal nang bahagi ng pang-araw-araw na pisikal na aktibidad, mula sa paaralan hanggang sa pagsasanay ng mga sundalo at atleta.
Ang jumping jack ay isang uri ng ehersisyong gumagamit lamang ng sariling bigat ng katawan. Ang pangalan nito ay hango sa isang lumang laruan na ang mga braso at binti ay sabay-sabay na gumagalaw pataas at pababa. Sa unang tingin ay payak, ngunit sa pananaw ng agham pangkalusugan, isa itong epektibong full-body movement na sabay na kumikilos ang iba’t ibang grupo ng kalamnan, mula sa balikat, dibdib at braso hanggang sa tiyan, hita at binti.
Kapag ginagawa ang jumping jack, tumataas ang tinatawag na heart rate o bilis ng tibok ng puso. Napapalakas ang puso, na isang kalamnan din na kailangang sanayin upang maiwasan ang paghina sa paglipas ng panahon.
Nakatutulong ito sa pagpapababa ng panganib sa mga karaniwang sakit tulad ng altapresyon, mataas na cholesterol, at sakit sa puso. Sa patuloy na paggalaw, mas nagiging episyente ang paggamit ng katawan sa glucose at taba bilang enerhiya, kaya nakatutulong din ito sa pagkontrol ng timbang at pag-iwas sa obesity. Sa loob lamang ng ilang minuto, maaaring makasunog ng sapat na calories ang jumping jack depende sa bilis at bigat ng taong gumagawa nito.
Ang paulit-ulit na pagtalon ay may epekto rin sa bone density o tibay ng buto. Ayon sa prinsipyo ng mechanical loading, lumalakas ang mga buto kapag may regular na puwersang tumatama rito, gaya ng pagtalon. Kasabay nito, napapalakas din ang coordination o kakayahan ng katawan na sabay-sabay na kontrolin ang galaw ng kamay at paa, pati ang balanse at timing. Nakababawas din ng stress, pagkabalisa at maging sintomas ng depresyon ang regular na pisikal na aktibidad. Kahit simpleng jumping jack lamang, kapag tuluy-tuloy na ginagawa, ay may kakayahang magpabuti ng mood at magbigay ng pakiramdam ng sigla.
Praktikal din ang jumping jack. Hindi kailangan ng mamahaling kagamitan o malaking espasyo. Sa loob ng bahay, kahit sa maliit na sala, kuwarto o banyo, maaari itong gawin basta’t may sapat na galaw para sa pagtalon at pagtaas ng mga braso. Sa labas naman, maaari itong gawin sa parke, tabing-dagat o kahit sa bakuran. Alternatibo ito para sa mga walang oras o kakayahang mag-gym o mag-jogging nang matagal.
Gayunman, mahalaga pa ring alamim ang wastong paraan ng paggawa nito upang makaiwas sa pinsala. Dapat kontrolado ang paglapag ng paa upang hindi mabigla ang tuhod at bukung-bukong, at hindi rin dapat biglain ang katawan lalo na kung matagal na hindi nag-eehersisyo. Sa agham ng sports medicine, mas mainam ang unti-unting pagdagdag ng bilang at bilis ng galaw upang makasanayan ng mga kalamnan at kasu-kasuan ang ehersisyo. At tumigil o magpahinga kapag nakakaramdam ng pagod.
••••••
Email – [email protected]
- Latest
















