^

Punto Mo

Ika-9 na utos -huwag magsisinungaling

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KUNG may isang utos mula sa Sampung Utos na lubhang nalalabag sa panahon ngayon ng modernong information technology, ito’y ang ika-9 na utos, “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan sa iyong kapwa.” Mababasa ito sa Exodo 20:16.

Ang binabanggit dito na pagsaksi ay hindi lamang sa panahon ng paglilitis sa korte, kundi sa pang-araw-araw na interaksyon ng tao sa kanyang kapwa. Napakalawak ng kahulugan ng ika-9 na utos. Nangangahulugan ito ng pagbabawal sa pagsisinungaling, pagkakalat ng tsismis, pagsira sa reputasyon ng iba, at paninirang-puri.

Mas naging malawak ngayon ang plataporma ng mga sinungaling dahil sa social media na naging tagapagpalaganap ng fake news, deep fake, disinformation, at iba pang porma ng kasinungalingan. At ang higit na mabigat, ang mga litrato, kasama na ang video, ay napakadaling? baguhin ngayon para suportahan ang isang kasinungalingan. Mas mabilis kumalat ang kasinu?galingan kaysa katotohanan. Wika ng isang manunulat, “Nagsasapatos pa lang ang katotohanan ay malayo na ang natakbo ng kasinungalingan.”

Nakalulungkot na ang mga sangkot sa pagsisinungaling ay matataas na opisyales ng gobyerno, sila pa naman ang dapat na maging ehemplo ng katotohanan at katapatan. Ayon sa ating Konstitusyon, “Public office is a public trust.” Bawat opisina ng gobyerno’y tumatayo sa pagtitiwala ng mga mamamayan. Dahil dito, inaasahan ang bawat opisyal ng gobyerno na maglilingkod nang may katapatan, pananagutan, at dedikasyon para sa kapakanan ng bayan. Dapat sundin ng bawat opisyal ng gobyerno ang ika-9 na utos, sapagkat ito ang utos na may kinalaman sa integridad at moralidad.

Pero, baligtad na ang mundo. Kung sino ang lider na sinungaling, ‘yon ang tila maraming naaakit na mga tagasunod na pinaniniwalaan ang kasinungalingan ng kanilang lider kahit na maraming ebidensiya na nagpapatunay na nagsisinungaling ito. Nakuhanan na ng video ang isang aktuwal na ipinahayag, pero kapag nabisto, sasabihin lamang na “I was misquoted,” paniniwalaan pa rin ng mga tagasunod. Sa kabilang dako, ang mga lider na tapat at hindi nakikiayon sa kasinungalingan, madalas ay naiiwang mag-isa at nagiging biktima ng kamandag ng kasinungalingan.

Habang hinahayaan nating makapamayagpag dito sa atin ang kasinungalingan, mananatiling talunan ang katotohanan. Wika ni Hesus, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Kailangang hanapin natin lagi ang katotohanan, huwag padadaig sa ating emosyon, huwag paloloko sa matatamis na dila ng mga sinungaling.

Noong 1940, sumikat ang Disney animated film adaptation ng nobelang, “Mga Pakikipagsapalaran ni Pinocchio,” isang nobelang pambata na isinulat ng Italian author na si Carlo Collodi noong 1883. Si Pinocchio ay isang makulit na wooden puppet na nangarap maging isang tunay na bata. Sa tuwing siya’y nagsisinungaling, humahaba ang kanyang ilong. Pero mula sa kanyang kakulitan, natutuhan ni Pinocchio ang kahalagahan ng katapatan, kabayanihan, at paglilingkod sa kapwa, kung kaya’t sa bandang huli, siya’y naging isang tunay na bata. 

Kung mangyayari sa atin ang kasaysayan ni Pinocchio, maraming lider sa gobyerno, sa negosyo, at maging sa simbahan, ang hindi na makakasakay sa kani-kanilang sasakyan dahil sa haba ng kanilang mga ilong. Pero sana, katulad ni Pinocchio, ang mga lider natin ay maging tunay ang mga pagkatao na laging nagpapahalaga sa katapatan, katotohanan, kabayanihan, at paglilingkod sa kapwa.

LIE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with