EDITORYAL — Air pollution,‘silent killer’ sa Metro Manila
TATLONG araw na nasunog ang 40-ektaryang tambakan ng basura sa Navotas. Nagsimula ang sunog noong Biyernes (Abril 10) at naapula noong Abril 13. Ang naipon na methane gas mula sa basura ang dahilan ng sunog. Dahil sa lawak ng sunog, nangitim ang papawirin sa Metro Manila. Pinakaapektado ang Maynila sapagkat malapit ito sa Navotas.
Dahil dito, nag-abiso ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa publiko na magsuot ng face masks para maprotektahan ang sarili. Lubhang mapanganib ang hangin kapag nalanghap ng senior citizens, mga buntis, mga bata at mga taong may respiratory problems. Babala ng pamahalaang lungsod, iwasang magtagal o magbabad sa labas ng bahay para hindi ma-expose sa nakalalasong hangin. Maraming sakit ang idinudulot ng air pollution gaya ng acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases at cardiovascular diseases.
Ang air pollution na kung tawagin ay “silent killer” ay isa sa mga problema na hindi tinututukan ng pamahalaan. Mas tinutukan ng gobyerno ang korapsiyon sa flood control na hanggang ngayon, wala pang naikukulong na “malaking isda”.
Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang may responsibilidad sa lumalalang problema ng air pollution. Ilang beses nang nagpalit ng kalihim sa DENR pero hanggang ngayon, may lason ang hangin sa Metro Manila. Sa pag-aaral, ang Maynila ang may pinakamasamang Air Quality Index sa Metro Manila. Sinundan ito ng mga siyudad ng Makati, Taguig, at Parañaque.
Mayroong batas para mapangalagaan ang kalidad ng hangin hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba pang lungsod. Isinabatas ang Clean Air Act noong 1999 na ang layunin ay mapanatiling malinis at dalisay ang nilalanghap na hangin ng mamamayan. Sa ilalim ng batas, mahigpit na pinagbabawal ang paggamit ng incinerator sa pagsunog ng basura at ang pagbabawal sa paggamit ng mga lumang sasakyan na nagbubuga ng nakalalasong usok. Pero hindi naipatutupad ng DENR ang mga tinatadhana ng Clean Air Act. Masakit mang sabihin, naging inutil ang DENR at hindi nagampanan ang tungkulin sa sambayanan at kapaligiran. Napabayaan ang problema sa air pollution at ngayon ay unti-unting nilalason ang mamamayan. Hihintayin pa bang lalong lumala ang problema sa air pollution?
Nang umupong acting DENR secretary si Juan Miguel T. Cuna, ipinangako niya na isusulong ang resonsableng pamamahala sa kalikasan at kapaligiran. Pero ilang buwan na siya sa puwesto, wala pa ring pagbabago sa kalidad ng hangin. Maililigtas pa ba sa “silent killer” ang mga taga-Metro Manila? O wala nang pag-asa?
- Latest



















