Hospital bills na mabigat sa bulsa
Sa mga karaniwang mamamayan, mabigat sa bulsa ang maospital kung walang sapat na pambayad o health insurance. Maraming Pilipino ang umaasa sa tulong ng pamahalaan, kamag-anak, kaibigan, at mga institusyong pangkawanggawa. Pamilyar na ngayon ang mga guarantee letter at may mga nagpoposte sa social media ng kalagayan ng pasyente para makahingi ng tulong.
Ngunit sa oras ng agarang pangangailangan, tanging prayoridad ang paggaling ng pasyente. Lalo na kung kritikal ang kalagayan, hindi na muna iniisip ang gastos. Sundin muna ang payo ng doktor, gawin ang kinakailangan, iligtas ang buhay.
Sa ganitong sitwasyon nagsisimulang umakyat ang hospital bill—habang nadaragdagan ang araw ng confinement, nadadagdagan din ang mga procedure, pagsusuri, gamot, at bayarin sa serbisyo.
Hindi lahat ng gastusing ito ay maaaring iwasan. Ngunit habang nagpapatuloy ang gamutan, may mga pagkakataon na maaaring pag-usapan ang mga susunod na hakbang upang hindi agad lumaki ang kabuuang bill, kung papayagan ng kalagayan ng pasyente at naaayon sa payo ng doktor.
Kung may mga naunang medical records ang pasyente—mga resulta ng laboratory tests, reseta, o tala ng dating gamutan—makatutulong na maipakita agad ang mga ito sa ospital. Sa ganitong paraan, maaaring maiwasan ang pag-uulit ng ilang pagsusuri at mas mapabilis ang pagtukoy sa tamang gamutan.
Maitatanong kung alin sa mga susunod na procedure ang kailangang gawin agad at alin ang maaaring ipagpaliban hanggang sa follow-up check-up.
Konsultahin ang doktor kung kailan ligtas na mailalabas ang pasyente, kung maipagpapatuloy na lamang sa bahay ang gamutan at gawin ang ibang kailangang mas murang medical procedure sa mga stand-alone na laboratory clinic. Ang bawat dagdag na araw sa ospital ay may katumbas na bayarin, kaya kung pinahihintulutan ng kondisyon ng pasyente, ang mas maagang pag-uwi ay nakababawas sa gastusin.
Hindi rin maiiwasan na mahigit sa isang espesyalista ang humahawak sa pasyente, lalo na kung komplikado ang kanyang kalagayan. Bahagi ito ng masusing paggagamot. Gayunman, maaari pa ring magtanong upang maunawaan kung paano magpapatuloy ang gamutan at kung alin sa mga konsultasyon ang kailangang gawin habang naka-confine at alin ang maaaring isagawa kapag nakalabas na siya ng ospital.
Mahalaga ang malinaw na komunikasyon sa pagitan ng pasyente, pamilya, at mga manggagamot—upang matiyak na ang bawat hakbang sa gamutan ay hindi lamang medikal na kinakailangan, kundi akma rin sa kakayahan ng pasyente na tustusan ito.
Hindi maiiwasan ang ilang gastusin kapag may nagkasakit. Ngunit sa pamamagitan ng maingat na pagtatanong at pagdedesisyon, hindi malayong may mga paraan upang hindi agad lumaki ang hospital bill habang patuloy na inaalagaan ang kalusugan ng pasyente.
•••••
Email-[email protected]
- Latest




















