^

Punto Mo

Paano mabubuhay ang tao sa Buwan?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Paano magsisimulang mabuhay ang tao sa Buwan sakaling tuluyan na siyang makatira roon? Nakakapagbigay ng ideya ang ilang pag-aaral, kabilang ang mga inilathala ng Institute of Physics sa United Kingdom.

Unang malaking hamon ay kung paano susuportahan ang araw-araw na pamumuhay nang hindi umaasa sa tuluy-tuloy na suplay mula sa Daigdig. Napakamahal magpadala ng kargamento sa kalawakan bukod sa napakabigat. Sinumang maninirahan sa Buwan ay kailangang maging lubhang malikhain at matutong gamitin ang mga likas na yaman na matatagpuan doon.

Unang problema ang hangin. Walang atmospera ang Buwan, kaya walang malalanghap na oxygen ang tao. Ngunit may solusyon dito. Ang lupa ng Buwan, na tinatawag na regolith, ay may mataas na porsiyento ng oxygen na nakakabit sa mga mineral tulad ng silicon dioxide at metal oxides. Sa tulong ng mga robot at automated system, posibleng makalikha ng sapat na suplay ng oxygen para sa paghinga at maging para sa rocket fuel.

Kasunod nito ang tubig, na kritikal hindi lamang sa pag-inom kundi pati sa agrikultura at produksyon ng enerhiya. Ang tubig ay binubuo ng hydrogen at oxygen, ngunit mas mahirap kunin ang hydrogen sa Buwan. Sa ngayon, isa sa mga praktikal na solusyon ay magdala nito mula sa Daigdig. Gayunpaman, hinihinalang mayroong yelong tubig sa mga pole ng Buwan. Kung mapapatunayang sapat ang dami nito, maaaring ito na ang maging pangunahing pinagkukunan ng tubig. Bukod sa inumin, maaari ring paghiwalayin ang tubig sa hydrogen at oxygen upang makagawa ng rocket fuel, na mahalaga sa mga susunod pang biyahe.

Pagdating sa pagkain, hindi maaaring umasa habambuhay sa pagkaing galing sa Daigdig. Dito pumapasok ang konsepto ng saradong ekosistema. Ipinakita ng ilang eksperimento na maaaring gawing mas angkop ang regolith para sa pagtatanim ng halaman sa pamamagitan ng paghahalo nito sa organic matter tulad ng dumi ng tao. Nakakatulong ito upang mabawasan ang epekto ng mga nakalalasong metal at mapabuti ang kakayahan ng lupa na humawak ng tubig. Kung dadagdagan pa ito ng mga mikroorganismo at bulate, maaaring mabuo ang isang simpleng soil ecosystem. Ang mga halaman ay hindi lamang magsisilbing pagkain kundi tutulong din sa produksyon ng oxygen at pag-recycle ng carbon dioxide.

Hindi rin mawawala ang usapin ng kuryente. Pinapaboran ng mga siyentipiko ang mga matataas na bahagi malapit sa south pole ng Buwan para tayuan ng  mga tirahan dahil permanente itong nasisilayan ng liwanag ng Araw. Maaaring mag-install ng solar panels para sa tuluy-tuloy na enerhiya. Nagkataon ding malapit sa mga rehiyong ito ang mga pinaghihinalaang deposito ng yelong tubig.

Walang atmospera at magnetic field ang Buwan kaya nanganganib sa mga radiation at ibang nakamamatay na elemento mula sa kalawakan ang mga taong titira rito. Isa sa nakikitang remedyo ang pagtatayo ng igloo o mga shelter na may sapat na proteksiyon laban sa radiation.  Pinag-aaralan din ng mga scientist ang posibilidad na magtayo ng tirahan sa ilalim ng lupa ng Buwan o sa mga napapansing mga kuweba rito.

• • • • • •

Email- [email protected]

BUWAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with