^

Punto Mo

EDITORYAL — Bawal mag-inuman at mag-videoke sa kalye

Pang-masa

NAKAUGALIAN na ng ilang Pilipino na kapag may birthday, maglalagay ng mesa sa gitna ng kalye at doon mag-iinuman magdamag. Umabuso pa nang pati ang pagbi-videoke ay ginagawa na rin sa kalye. Inaabot ng madaling araw ang pagbi-videoke kaya hindi makatulog ang mga kapitbahay. Wala namang makapiyok sapagkat sila na ang nakaistorbo ay sila pa ang matatapang.

Isinasara na rin nang tuluyan ang kalye kaya ang resulta, wala nang madaanan ang mga sasakyan. Wala nang pakialam ang nagdaraos ng birthday kung makaabala man sa mga motorista. Walang paki kung ang dumaan man ay ambulansiya, trak ng bumbero o iba pang sasakyan na pang-emergency.

Pero hindi na uubra ngayon ang ganitong praktis kapag may birthday o anumang okasyon. Tapos na ang maliligayang araw ng mga mahilig mag-inunan at mag-videoke sa kalye.

Noong nakaraang linggo, nagbanta si DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi na papayagan ang pag-iinuman at pagbi-videoke sa kalye paglampas ng alas diyes ng gabi. Mahigpit na ring ipagbabawal ang paglalakad na walang damit pang-itaas.

Mariing sinabi ni Remulla na bawal na ang maglatag ng mga silya at lamesa sa mga kalye at mag-inuman. Banta ni Remulla, huhulihin ang mga mag-iinuman sa kalye. Wala raw problema kung sa loob ng bahay mag-iinuman pero ‘pag sa kalye, bawal na. Ayon pa kay Remulla, ang pag-iinuman sa kalye ang pinagmumulan ng away at sexual harassment.

Payo ni Remulla, kapag may nag-inuman at nag-videoke nang lampas ng 10:00 ng gabi, tumawag lang daw sa 911 at pupuntahan agad ng mga pulis. Ang mga pulis daw ang bahalang magpatigil sa ginagawang pag-iinuman at pagbi-vidoke. Kapag daw nagpabaya ang mga pulis sa pagtupad sa tungkulin ay mananagot ang mga ito.

Ayon pa kay Remulla, ang mga lokal na opisyal na hindi ipatutupad ang kautusan ay sasampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Remulla, ang kampanyang ito ay bahagi ng “safer cities” plan ng kanyang tanggapan. Nais ni Remulla na maging ligtas ang mamamayan lalo na sa gabi. Idinagdag pa ni Remulla na ang mga away at sexual harassment ay nagsisimula sa mga okasyong idinaraos sa kalye kaya nararapat nang maputol ang mga ganitong praktis.

Makabuluhan at may saysay ang kampanyang ito ng DILG. Sana, hindi ito ningas-kugon kagaya ng iba pang kampanya na sa umpisa lamang masisdhi at ­paglipas ng isa o dalawang buwan ay balik uli sa ­dating gawi. Hindi rin sana ito pagmulan ng pang-aabuso ng mga pulis na basta dampot lamang ng dampot ng mga taong makikita sa kalye sa disoras ng gabi.

VIDEOKE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with