Utang ng mister, kasama bang madedemanda ang misis?
Dear Attorney,
Nagkaroon nang malaking utang ang aking asawa na wala akong kaalam-alam. Maari ba akong isama sa demanda para masingil ang utang kahit hindi naman ako ang nangutang at walang nalalaman ukol dito? —Margarita
Dear Margarita,
Kasama ka talaga sa idedemanda kung ang kasong isasampa para masingil ang utang ng iyong asawa ay civil case.
Nakasaad sa Section 4, Rule 3 ng Rules of Civil Procedure na kailangang magkasama palagi ang mag-asawa sa demanda, sila man ang nagsampa ng kaso o ang siyang sinampahan nito.
Kailangang magkasama sa demanda ang mag-asawa dahil pareho silang administrator o tagapangasiwa ng lahat ng kanilang ari-arian.
Bilang magkatuwang ang mag-asawa sa pangangasiwa sa kanilang mga ari-arian, kailangang parehong idemanda ang mag-asawa kahit isa lang ang nangutang dahil maaring maapektuhan ng kalalabasan ng kaso ang kanilang community o conjugal property.
Gayunman, kahit kasama ka sa demanda, hindi naman ibig sabihin na mapapanagot na kaagad ang inyong pinagsamang mga ari-arian. Maari lamang managot ang inyong community o conjugal property kung nakinabang ang inyong pamilya mula sa utang at ang pananagutan na ito ay hanggang sa napakinabangang halaga lamang.
- Latest















