^

Punto Mo

Makinilya buhayin sa mga paaralan

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Baka panahon na para pag-isipan ng mga paaralan, kolehiyo, at pamantasan ang pagbabalik ng makinilya sa silid-aralan. Hindi para palitan ang computer, laptop, smartphone o internet, kundi upang balansehin ang paggamit ng mga ito sa pag-aaral. Sa gitna ng mabilis na digitalization, nakikita ng mga guro ang tendensiya ng mga estudyante na umasa nang labis sa mga search engine, online dictionaries, at AI tulad ng ChatGPT para sa paggawa ng assignment, project, o pagsusulit.

Hindi maikakaila na malaking tulong ang teknolohiya sa pagkatuto. Pinapabilis nito ang research, nagbibigay ng access sa libu-libong resources, at nagpapadali sa komunikasyon. Ayon sa mga pag-aaral, ang paggamit ng digital tools ay nakakapag-improve ng reading comprehension at problem-solving skills kung ginagabayan nang tama. Ngunit kasabay nito ang panganib ng pandaraya, plagiarism, at dependency sa automation. Kapag laging umaasa sa AI o internet, napuputol ang proseso ng critical thinking at pagsusuri ng sariling kaalaman, na mahalaga sa cognitive development ng kabataan.

Dito pumapasok ang makinilya bilang alternatibo. Sa maraming bansa, ang pen-and-paper exams at oral tests ay ginagamit pa rin bilang paraan para masuri ang tunay na pagkatuto ng estudyante. Sa Cornell University sa New York, Estados Unidos, isang German language instructor na si Grit Matthias Phelps ang nagpakilala ng makinilya sa klase. Dalawang taon na niyang isinasagawa ito dahil nababahala siya sa labis na paggamit ng generative AI at internet sa paggawa ng assignments na perpekto ang grammar ngunit hindi personal ang pag-iisip. Pinadama niya sa mga estudyante ang karanasan ng pagtitipa sa makinilya nang walang screen, spellcheck, delete key, o online reference.

“Bakit ko pa babasahin kung wasto na lahat at hindi ikaw mismo ang gumawa? Makakagawa ka ba niyan nang walang computer?” sabi ni Phelps sa Ingles sa ulat ng Associated Press. Layunin niyang maipakita sa mga estudyante ang proseso ng pagsusulat at pag-iisip bago ­naging digital ang lahat. Natututo silang mag-focus, makipag-usap sa kaklase, at mag-develop ng sariling analytical skills, habang naiwasan ang distractions mula sa notifications o social media.

Ayon sa cognitive science, ang manu-manong pagsulat ay may epekto sa memorya at learning retention. Ang research sa psychology at neuroscience ay nagpapakita na ang aktibong pagsulat gamit ang kamay o typewriter ay nakakatulong sa mas malalim na encoding ng impormasyon sa utak. Sa pamamagitan nito, mas nagiging engaged ang estudyante at mas natatandaan ang kanilang isinulat kumpara sa simpleng pag-type sa computer. Bukod dito, nakatutulong ito sa paghubog ng disiplina at pasensya—mga katangiang minsang nawawala sa mabilis na digital workflow.

Hindi ibig sabihin na dapat itigil ang modernong teknolohiya sa edukasyon. Ang punto ay balansihin ang digital tools at analog experience upang mas mapalalim ang critical thinking, problem-solving, at creativity ng mga estudyante. Ang paggamit ng makinilya ay simbolo rin ng pangangailangan ng pagkonekta sa proseso ng pagkatuto, hindi lamang sa resulta. Sa panahon na halos lahat ay digital, ang pagbabalik sa isang lumang paraan tulad ng makinilya ay maaaring magbigay ng bago at mahalagang perspektibo sa kung paano matututo nang tunay ang kabataan.

•••••

Email-[email protected]

PAARALAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with