Wala raw matatanggap na separation pay
Dear Attorney,
Sinabihan po kami ng aming employer na kailangan nilang bawasan ang mga empleyado simula sa April. Dagdag pa nila na ang sinumang aalisin ay hindi makatatanggap ng separation pay dahil hindi naman daw ito kasama sa kasunduan. Ang ibibigay lang daw ay ang natitirang sahod at 13th-month pay para sa tatlong buwan. Tatlong taon na rin po kami sa kompanya. – Rosey
Dear Rosey,
Hindi tama ang sinabi ng inyong employer. Ang karapatang makatanggap ng separation pay ay hindi nakasalalay sa kung nakasaad ba ito o hindi sa employment contract ng empleyado. Ito ay isang karapatang itinakda mismo ng batas sa mga sitwasyong may retrenchment o pagbabawas ng empleyado upang maiwasan ang pagkalugi, o may redundancy o ‘yung pagkakaroon ng bilang ng empleyado na higit sa pangangailangan ng negosyo. Ang pagbabawas ng staff na binanggit ng inyong employer ay malamang na pasok sa isa sa mga ito.
Sa kaso ng retrenchment, ang separation pay na matatanggap ng natanggal na empleyado ay katumbas ng kalahating buwan na sahod bawat taon ng serbisyo, o isang buwan na sahod, alinman ang mas mataas. Sa kaso naman ng redundancy, ito ay isang buwan na sahod para sa bawat taon ng serbisyo. Dahil tatlong taon na kayo sa kompanya, mayroon kayong karapatang makatanggap ang separation pay batay sa mga komputasyong ito, bukod pa sa inyong natitirang sahod at pro-rated na 13th-month pay.
Bukod dito, obligado rin ang employer na magbigay ng written notice sa inyo at sa Department of Labor and Employment (DOLE) nang hindi bababa sa 30 araw bago maging epektibo ang inyong pagkakatanggal sa trabaho. Mahalaga ang pagbibigay-alam na ito dahil ang kabiguan sa pagbibigay ng wastong abiso ay maaaring magbunga ng karagdagang pananagutan sa employer, alinsunod sa doktrina na itinakda ng Korte Suprema sa Jaka Food Processing Corp. v. Pacot et al. (G.R. No. 151378, 28 March 2005) at sa iba pang mga kahalintulad na kaso.
Base sa inyong sitwasyon, maipapayo ko rin na huwag kayong pipirma sa anumang quitclaim o release document hangga’t hindi n’yo natatanggap ang lahat ng inyong nararapat na benepisyo. Maaari rin kayong magtungo sa pinakamalapit na DOLE office o sa National Labor Relations Commission upang ihain ang inyong reklamo kung patuloy na itinatanggi ng inyong employer ang kanilang obligasyon na kayo ay bayaran ng separation pay. Tandaan na walang kasunduan o kontrata ang maaaring mag-alis ng isang karapatang ibinibigay mismo ng batas sa bawat manggagawa.
- Latest



















