‘Anting-anting’ (Part 1)
NOONG aking kabataan, mahilig ako sa anting-anting. Dahil sa pagkahilig ko sa anting-anting, nangarap akong magkaroon nito. Ang gusto kong anting-anting ay yung hindi tinatablan ng bala.
Naggtanung-tanong ako sa mga matatanda sa aming barangay kung paano makakakuha ng anting-anting na hindi tinatablan ng bala.
May matandang lalaki na nagsabi sa akin na ang anting-anting para hindi tablan ng bala ay nakukuha sa bunga ng niyog na iisa ang mata. Kapag nakakuha raw ng ganitong klase ng niyog, tiyak na hindi tatablan ng bala ang nagmamay-ari nito. Halos lahat ng matanda na napagtanungan ko ay ganito rin ang sinabi. Mabisa raw talaga ang niyog na iisa ang mata.
Tinanong ko kung saan makakakuha ng niyog na walang mata. Mahirap daw itong hanapin. Isa pa, dapat ay Biyernes Santo ito hahanapin.
Si Tandang Ponciano ang nakapagturo sa akin kung anong klase ng punong niyog ang nagbubunga na may isang mata.
“Pumunta ka sa Maragooc, doon ay makakakita ka ng mga punong niyog na nagbubunga ng iisa ang mata,’’ sabi ni Lolo Ponciano.
“Paano ko po malalaman ang punong niyog na may bunga na iisa ang mata?”
“Kadalasang ang mga punong niyog na nagbubunga ng may iisa ang mata ay kambal ang katawan.”
“Kambal na puno po Lolo?”
“Oo. Kapag nakakita ka ng kambal na niyog, sigurado ang bunga niyon ay may iisa ang mata.”
“Lahat po ng bunga ay iisa ang mata?”
“Aba hindi! Sa isang buwig, maaring isa lang ang bunga na iisa ang mata. Maaring wala.
At dapat mga tuyo na ang niyog na kukunin mo. Huwag kang kukuha ng mga berde pa. Kapag nakuha mo na ang mga niyog, iisa-isahin mong aalisan ng bunot ang mga ito para makita mo ang mga mata.”
“Mahirap po pala Lolo.”
“Talagang mahirap. Kailangan mong magtungo sa Maragooc ng alas tres ng hapon para maghanap ng anting na yan.”
“Pero epektib po ba ang anting na yan? Magaling po ba ang niyog na iisa ang mata.”
“Ayon sa narinig ko, mahusay daw at may nagsabi na hindi.”
Napabuntunghininga ako.
“Ano, tutuloy ka pa ba sa paghahanap ng niyog na iisa ang mata?”
“Opo, Lolo. Paano ko malalaman kung hindi ko susubukan?”
“Sige. Basta mag-ingat ka sa pagpunta roon.” (Itutuloy)
- Latest
















