‘Pitaka’ (Part 4)
Nakasaad sa calling card ang pangalang TOMAS GARCE. Nakalagay ang kompanya kung saan ito affiliated. Ang address ay Makati Avenue, Makati City.
Muli kong binilang ang pera. Sampung libong piso!
Malaking tulong na sa aming magkapatid ang sampung libong piso. Makakabayad na kami sa renta sa bahay at mababayaran ang matrikula ng aking kapatid.
Makakabili pa kami ng mga iba pang pangangailangan. Siguro bago maubos ang sampung libo ay natanggap na ako sa trabaho. Bukas ay may interbyu uli ako sa Makati.
Muli kong binilang ang pera at tiniyak kung magkano talaga iyon. Kinakabahan kasi ako kanina nang bilangin ang pera. Sampung libo talaga—walang labis, walang kulang!
Pero nag-isip ako nang malalim. Nakokonsensiya ako kung aangkinin ang pera na hindi sa akin. Parang hindi ko kayang gastusin ang perang hindi pinaghirapan.
Nasa ganun akong pag-iisip nang tumawag ang aking kapatid. Galing sa school. Itinago ko ang pitaka sa ilalim ng unan.
“Kuya, buksan mo ‘tong pinto!”
“Sandali!”
Binuksan ko ang pinto.
“Ang tagal mong buksan Kuya, ihing-ihi na ako!”
“May ginagawa kasi ako sa kuwarto!” palusot ko.
(Itutuloy)
- Latest




















