Bakit nakikipagbalikan ang babae kahit binubugbog siya ng partner?
SA kabila ng pananakit at pang-aabuso, may mga babaeng pinipiling bumalik sa kanilang mga partner. Para sa iba, mahirap itong unawain. Ngunit ayon sa sikolohiya, hindi ito simpleng usapin ng kahinaan, kundi ng masalimuot na emosyon at karanasan.
Isa sa mga pangunahing paliwanag ay ang tinatawag na Trauma Bonding, kung saan nabubuo ang matinding attachment dahil sa paulit-ulit na cycle ng panggugulpi, lambingan, hanggang sa paghingi ng tawad at pangakong magbabago.
Sa ganitong sitwasyon, unti-unting naaapektuhan ang pagtingin ng biktima sa sarili. Bumaba ang self-esteem, at maaaring maniwala siyang wala nang ibang magmamahal sa kanya. Dagdag pa rito ang Cognitive Dissonance, kung saan pinipilit ng utak na i-justify ang maling sitwasyon para mabawasan ang emotional stress. “Mahal niya ako, nasaktan lang siya sa sinabi ko.”
Hindi rin maikakaila ang papel ng takot sa pag-iisa, sa posibleng mas matinding pananakit, o sa kawalan ng suportang pinansyal. Sa bawat paghingi ng tawad at pagpapakita ng lambing, nabubuhay ang pag-asang magiging okey din ang lahat.
Sa bandang huli, ang pananatili sa abusive relationship ay hindi dahil mahina ang babae. Ito ay resulta lang ng: emotional manipulation; psychological conditioning at minsan, survival instinct.
- Latest















