‘Balon’ (Part 1)
ISANG hindi ko malilimutang karanasan ay nang mahulog ako sa malalim na balon noong ako ay siyam na taong gulang at nasa Grade 3. Kapag naalala ko ang karanasang iyon ay hindi maiwasang manindig ang aking balahibo. Hindi ko rin maipaliwanag kung paano ako nakaahon sa 20 feet na balon. Walang tubig ang balon pero pawang putik ang nasa ilalim. Lumang balon iyon na ayon sa mga matatanda ay nagisnan na nila.
Nangyari ang pagkahulog ko sa balon isang tanghali na lumabas kami sa school. Nagkayayaan kaming magkaklase na maglaro ng taguan. Anim kaming naglaro at pawang mga lalaki.
Hindi kalayuan ang balon sa aming school. Malaking bakanteng lote ang kinaroroonan ng balon. Dati raw ay may malaking bahay sa malaking lote pero nawasak na. Pag-aari raw iyon ng mayamang pamilya na may lahing Kastila. Mula nang mawasak ang malaking bahay ay bihira nang dumalaw ang mga kaanak.
Dahil wala nang nag-aasikaso sa bakanteng lote, tinubuan ng mga damo. Kinalawang at nasira ang bakal na bakod. Malaya kaming nakapasok sa loob ng lote at nagtaguan.
Mabilis akong naghanap ng matataguan.Pagtapak ko sa isang tumpok na damo at dahon, dere-deretso akong nahulog. (Itutuloy)
- Latest















