Kautusan ng Diyos vs kautusan ng tao
MAINIT pa rin ang mga usapan tungkol sa ipinahayag ng isang Kongresista sa panahon ng pagdinig ng House Justice Committee sa impeachment complaint laban kay VP Sara. Ayon sa Kongresista, nag-init ang kanyang katawan at nagsimula siyang magpantasya nang makita niya sa mall ang artistang si Anne Curtis.
May nilabag ba siyang batas? Sa paniwala ng Kongresista ay wala, sapagkat sa imahinasyon lang niya nangyari ang lahat, bagamat may mga abugadong nagsasabi na nilabag niya ang Safe Spaces Act, ang Magna Carta for Women, at ang mabuting kaasalan ng isang lingkod-bayan.
Maaaring pagdebatihan kung may nilabag ngang kautusan ng bansa ang Kongresista. Pero isang bagay ang tiyak--nilabag niya ang kautusan ng Diyos na may kinalaman sa moralidad. Ang kautusan ng Diyos, sa pamamagitan ng katuruan ni Hesus, ay mas mataas kaysa kautusan ng tao. Hindi komo legal ang isang gawain dahil ipinahihintulot ng batas ay moral din ito. Ang prostitusyon ay itinuturing na legal at isang propesyon ng ilang mga bansa, gaya ng Germany, Netherlands, New Zeland, Brazil, at Thailand. Gayundin ang same-sex marriage na ipinapahintulot sa ilalim ng batas ng maraming bansa at maging ng ilang iglesya.
Legal sa batas ng tao, pero immoral sa batas ng Diyos. Ganito ang wika sa 1 Corinto 6:9-10, “Hindi ba ninyo nalalaman na ang masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga mangangalunya, mga binabae, mga nakikiapid sa kapwa lalaki, mga magnanakaw, masasakim, mga maglalasing, mga mapagmura, o mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”
Napansin mo ba, ang simpleng pagmumura ay isang karumal-dumal na kasalanan sa Diyos; hindi ito bulaklak lang ng dila, ito’y lason ng kaluluwa. Paano pa kung hindi mo lamang minura ang iyong kapwa, kundi inimagin mo pa na siya’y pinupugutan mo ng ulo?
Sa batas ng tao, wala kang kasalanan kung sa imahinasyon mo lang nagawa ang isang kasalanan. Iba ang pamantayan ng Diyos. Kapag pinagnasaan mo sa iyong pag-iisip o imahinasyon ang isang tao, nagkasala ka na. Wika ni Hesus sa Mateo 5:28, “Ngunit sinasabi ko sa inyo, na bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.” Ang sinasabi mo ay repleksyon ng uri ng iyong pagkatao, ibinubulgar nito ang panloob na takbo ng iyong isip at damdamin. Wika ni Hesus sa Lucas 6:45, “...sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.”
Ang kasalanan ay isinisilang sa puso’t isip, kaya’t doon pa lamang ay kailangan nang patayin. Ang isang bagay na paulit-ulit mong sinasabi, ay tiyak na gagawin mo kapag nagkaroon ka ng pagkakataon. Kung lagi mong sinasabi na susuntukin mo ang isang taong nakasamaan mo ng loob, kapag nagkaroon ka ng tsansa, susuntukin mo nga. Nagaganap ang kasalanan kapag nagkasama ang pagnanais at ang oportunidad. Kaya’t ang gusto ni Hesus ay mawala sa iyo ang pagnanasa o pagnanais na makagawa ng kasalanan, sapagkat ito ang bagay na kontrolado mo, samantalang ang oportunidad ay hindi mo kontrolado.
Mag-ingat, ang pagnanasa at masamang imahinasyon ay magbubulid sa iyo sa tiyak na kapahamakan!
- Latest















