EDITORYAL — Siguruhin, kalinisan ng Metro Rail Transit
KUMALAT sa social media ang pinost na larawan ng isang pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) tungkol sa mga maliliit na ipis na nasa pagitan ng mga upuan at handrail. Nang malaman ng Department of Transportation (DOTr) ang nakadidiring video, nagsagawa ng inspeksiyon sa apektadong tren. Inutusan ni Transportation Secretary Banoy Lopez si MRT-3 General Manager Michael Capati na imbestigahan ang mga ipis. Nang oras ding iyon, nagsagawa ng disinfection sa apektadong train.
Ayon kay Capati, regular daw na nagsasagawa ng paglilinis at inspeksiyon sa lahat ng train at istasyon bilang bahagi ng maintenance program ng linya. Ginagawa umano ito para sa kalinisan at kaligtasan ng mga pasahero.
Kung nagsasagawa ng regular na disinfection, bakit nagkaroon ng mga ipis? Ang karaniwang ipis ay nagha-hatch ng kanilang itlog, isa hanggang dalawang buwan. Kung araw-araw ang disinfection sa mga upuan at handrail, may mabubuhay bang ipis? Kung bawat biyahe ang disinfection, lalo nang imposibleng may mabuhay na ipis at iba pang insekto. Sa mga train sa Japan, bawat biyahe ng train ang ginagawang disinfection. May mga personnel na sumasampa sa train at nagsasagawa ng disinfection. Dahil dito, walang makikitang ipis sa mga bagon ng train. Kampante ang mga pasahero na walang kakagat sa kanilang ipis.
Noong Marso 2024, nag-viral din sa social media ang mga na-videohang surot sa mga upuan sa Terminal 2 and 3. Na-videohan din ang pantal-pantal na katawan ng mga nakagat ng surot makaraang maupo sa mga metal na upuan.
Kasabay sa mga na-videohang surot, na-videohan din naman ang pagala-gala na daga sa kisame ng Terminal 2 na kasinglaki ng pusa.
Ang mga nakitang surot at daga sa NAIA ay nagpapakita lamang na may kapabayaan ang mga namumuno. Kung maayos at ginagampanan nang maayos ang pamamahala, hindi magkakaroon ng mga peste sa isang lugar na dinadagsa pa naman ng pasahero—mapa-international o local. Masasayang ang ginagawang pagpu-promote ng DOT na bumisita ang mga dayuhan o turista kung makararanas ng hindi maganda sa airport.
Walang ipinagkaiba ang MRT at NAIA na libong tao araw-araw ang gumagamit. Nararapat na mapanatili ang kalinisan sa dalawang lugar na ito. Kapag hindi nalipol ang mga insekto, problema ang ihahatid sa mga pasahero. Maari silang magkasakit.
Tiyakin ang kalinisan at kaligtasan ng mga pampublikong sasakyan. Huwag hayaang lumisaw ang mga insekto na magdadala ng panganib sa mga pasahero. Huwag hayaang iwasan at pandirihan ang mga pampublikong sasakyan gaya ng MRT.
- Latest















