^

Punto Mo

Smart Glasses: Matinik pero mapanganib?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Isa sa patuloy na umuusbong na teknolohiya sa nakalipas na dekada ang tinatawag na smart glasses o smart eyeglasses. Ito ay mga salamin sa mata na may kakayahang kumuha ng litrato o video ng mga tao, bagay, at kapaligiran. Maaari itong magamit sa agham, medisina, at kalusugan, partikular sa mga taong may problema sa paningin.

Ang smart glasses ay binubuo ng ilang high-tech na bahagi. May kasamang maliit ngunit matibay na baterya, processor na mabilis magproseso at mag-imbak ng data, kamera, at sensors na kumokolekta ng impormasyon mula sa paligid. Konektado rin ito sa internet at sa mga aplikasyon gamit ang Wi-Fi o Bluetooth, at maraming modelo ngayon ang may artificial intelligence na nagbibigay-daan para sa mas makabuluhang interaksyon, tulad ng pagkilala sa mukha, pagbabasa ng teksto, o pagsasalin ng wika. Ang lente mismo ay maaaring magsilbing screen na nagtatago ng impormasyon kaya ang ibang tao ay hindi nakikita ang nakikita ng gumagamit.

Ngunit kasabay ng mga benepisyong ito ay ang malalim na isyu ng seguridad at privacy. Ang smart glasses ay maaaring magrekord ng video, litrato, at boses nang hindi nalalaman ng nakukunan, na nagbubukas ng posibilidad para sa panghihimasok sa pribadong buhay ng tao. Mahirap din matukoy kung ang isang tao ay may suot na smart glasses dahil karaniwan itong mukhang ordinaryong salamin o sunglasses.

Ang frame nito ay maaaring makapal upang makasiksik ng kamera, processor, at baterya, ngunit ang ganitong kapal ay hindi agad nakikita bilang palatandaan. May ilang eksperto na nagsasabi na ang LED indicator sa frame ay maaaring magpahiwatig na aktibo ang recorder, ngunit sobrang liit at mahirap makita lalo na sa maliwanag na kapaligiran. Ang tunog na l­umalabas kapag nagrerekord ay karaniwang napakahina na dapat malapit ka para ito marinig.

Matagal nang isyu ang ganitong teknolohiya sa ibang bansa. May mga manufacturer na kinasuhan sa korte dahil sa paggamit ng smart glasses sa panghihimasok sa privacy ng iba.

Sa ilang kaso, nagagamit ang mga ito sa panloloko at pagsasamantala, gaya ng pagtangay ng personal na impormasyon o ilegal na pangangalap ng ebidensya.

Sa Pilipinas, tila hindi pa gaanong laganap ang smart glasses. Karamihan ay imported, kaya nagkakahalaga ng mahigit P20,000 depende sa modelo.

Bukod sa mga nabanggit na panganib, may potensyal din ang smart glasses na maging kapaki-pakinabang sa lipunan. Halimbawa, maaari itong magamit sa pagtukoy at pagsugpo ng krimen, pagtulong sa pulisya na makahanap ng mga wanted na kriminal, o sa agarang pagkuha ng impormasyon sa panahon ng emergency.

Sa agham ng kalusugan, maaaring magamit ang sensors nito upang sukatin ang mga physiological parameters, tulad ng tibok ng puso, antas ng stress, o antas ng ilaw sa paligid, na kapaki-pakinabang sa pananaliksik at medikal na monitoring.

Sa kasalukuyan, wala pang tiyak na regulasyon sa paggamit ng smart glasses sa Pilipinas, bagaman may umiiral na batas tungkol sa paggamit ng kamera, video recorder, at audio recorder na nagtatakda ng hangganan ng legal na panghihimasok sa pribadong buhay.

Marahil ay makabubuti rin na magkaroon ng batas na nagtatakda ng malinaw na patakaran sa paggamit ng smart glasses upang maiwasan ang posibleng panganib sa seguridad at privacy, habang pinapayagan ang mga benepisyo nito sa edukasyon, medisina, at seguridad. Maaari ring limitahan ang mga taong maaaring makagamit nito.

Ang teknolohiya ay patuloy na umuunlad, at kasabay nito ang responsibilidad ng bawat gumagamit na maging maingat at etikal sa paggamit ng ganitong matatalinong kagamitan.

• • • • •

Email- [email protected]

TEKNOLOHIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with