^

Punto Mo

Kabiguang nagpatamis?sa Hershey’s Chocolate

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

SI Milton Hershey ay ipinanganak noong 1857 sa Pennsylvania. Bata pa lamang, sanay na siya sa pagtatrabaho sa bukid. Sa pagsasaka, natutuhan niya ang halaga ng pagtitiis at pagtitiyaga, na tulad ng pananim, kailangang alagaan at paglaanan ng panahon bago umani ng tagumpay. Sa edad na 14, tumigil siya sa pag-aaral upang magtrabaho sa isang printing press.

Ngunit isang aksidente, ang pagkahulog ng kanyang sombrero sa makina na naging sanhi ng pagkasira nito, ang nagdulot ng kanyang pagkakatanggal sa trabaho. Para sa iba, maaaring iyon na ang wakas ng pangarap. Ngunit para kay Hershey, isa lamang iyon sa maraming pagsubok na haharapin niya.?

Nagkaroon siya ng pagkakataong magtrabaho sa isang pabrika ng kendi, kung saan natutuhan niya ang sining ng paggawa ng matatamis na produkto. Dahil sa lakas ng loob at ambisyon, nagtayo siya ng sarili niyang pagawaan ng kendi. Subalit dahil sa kakulangan sa puhunan at karanasan, ito ay nalugi at tuluyang nagsara. Hindi siya sumuko. Lumuwas siya sa New York City at nagtrabaho sa Huyler’s, isang kilalang pabrika ng kendi at may-ari ng mga restaurant.

Pagkaraan ng ilang taon, muli siyang sumubok magnegosyo, nagbenta siya ng kendi sa mga lansangan. Ngunit muli, nabigo ang kanyang pakikipagsapalaran. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Bumalik siya sa kanilang bukid sa Pennsylvania, kung saan sagana ang gatas dahil maraming bakahan. Dito niya sinimulang pag-eksperimentuhan ang paggawa ng tsokolateng may halong condensed milk. Nakatuklas siya ng kakaibang timpla na nagustuhan nang marami. Sa edad na 36, naitatag niya ang Lancaster Caramel Company, na naging matagumpay.

Makalipas ang pitong taon, ibinenta niya ito ng 1-milyong dolyar isang napakalaking halaga nang panahong iyon. Ang perang ito ang ginamit niya upang itatag ang Hershey’s Chocolate Company.Sa edad na 43, sinimulan niyang palaguin ang kanyang bagong kompanya.

Mula sa serye ng kabiguan at pagsubok, isinilang ang isang tatak na makikilala sa buong mundo bilang? isa sa mga pinakamasarap at pinakapopular na tsokolate. Ang kuwento ni Milton Hershey ay patunay na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa rami ng kabiguan, kundi sa lakas ng loob na bumangon at muling sumubok. Sa bawat pagkadapa, mas lalo niyang pinatamis ang kanyang tagumpay, hanggang ang kanyang pangalan ay naging kasingkahulugan ng tsokolate.?????

CHOCOLATE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with