^

Punto Mo

Pula ang Buwan sa Martes

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Takdang pumula ang Buwan sa Martes, Marso 3, at makikita ito sa Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Blood Moon ito sa Ingles, ngunit ang pangyayari ay tinatawag na total lunar eclipse, kung saan diretsong magkakahanay ang Araw, ang Daigdig at ang Buwan at ang Daigdig ang nasa pagitan ng Araw at ng Buwan. Dahil dito, natatakpan ng anino ng Daigdig ang Buwan. Hindi direktang natatamaan ng sikat ng Araw ang Buwan kaya nag-iiba ang itsura nito sa langit. Sa kasagsagan ng eclipse, magmimistulang kulay pula ang Buwan. Pumupula ang Buwan dahil ang liwanag ng araw ay dumadaan muna sa atmospera ng Daigdig. Ang asul na liwanag ay nahaharang, pero ang pulang liwanag ay umaabot sa Buwan kaya para itong nalulubog sa pula, tulad ng kulay ng dapithapon na nakikita natin tuwing paglubog ng araw.

Tatagal ang ecilpse nang 59 na minuto at 24 na segundo.

Sisikat ang Buwan sa Maynila bandang alas-5:58 ng hapon, at bahagya na itong natatakpan ng anino ng Daigdig. Magpapatuloy ang mga yugtong ito hanggang tuluyang makalabas ang Buwan sa bahagyang anino bandang alas-10:25 ng gabi. Sa tinatawag na umbral phase ang pinakamadilim na bahagi ng lunar eclipse mananatili ang Buwan sa pangunahing anino ng Daigdig hanggang alas-8:03 ng gabi, at unti-unti itong lalabas sa aninong ito bandang alas-9:17 ng gabi. Sa yugtong ito, tuluyang nahaharangan ang direktang liwanag ng Araw. Sa rurok ng eclipse, lilitaw ang tinatawag na “pulang buwan” o blood moon, kapag lubos nang natatakpan ng anino ng Daigdig ang buong mukha ng Buwan. Magtatapos naman ang kabuuang eclipse kapag nakaalis na ang Buwan sa penumbral shadow bandang alas-10:25 ng gabi. Ligtas sa mata ang panonood at mas malinaw ang makikita kung gagamit ng binocular o telescope.

Paano naman kung ang isang tao ay nasa Buwan sa mismong oras ng eclipse?

Sinasabi sa astronomiya na, kapag ang isang tao ay nasa Buwan sa panahon ng total lunar eclipse, ang Daigdig mismo ang tatakip sa Araw, kaya ito ay parang total solar eclipse sa kalangitan ng Buwan. Ang mismong planeta natin ay lilitaw na isang malaking madilim na disk, eksaktong nakaharang sa liwanag ng Araw, at sa paligid ng gilid nito makikita ang makintab na halo ng liwanag na dumaan sa atmospera ng Daigdig. Ang liwanag na ito ay kulay pula, kahel at dilaw ang resulta ng lahat ng sabayang sunrise at sunset sa mundo na nagrereplek sa gilid ng planeta. Ang “blood moon” na nakikita natin mula sa Daigdig ay hindi niya makikita; sa halip, makikita niya ang Araw na natatakpan ng Daigdig na may makulay na glow sa paligid.

Kung nasa Buwan ka, ang nakikita mo ay kabaligtaran ng sa atin: ang Daigdig mismo ang nagiging anino sa harap ng Araw, habang ang kalawakan ay nananatiling tahimik at itim. Ang mga crater, buhangin at bato sa paligid ay makikita nang malinaw at walang pulang halo, samantalang ang Daigdig ang nagiging dramatikong sentro ng liwanag at dilim sa kanilang pananaw.

PAGASA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with