‘Itim’ (Part 8)
BIGLANG nagdeklara ng holdap ang dalawang lalaki na humarang sa amin. May baril ang isa at patalim naman ang isa pa.
“Akina ang kinita n’yo. Huwag na kayong tatanggi pa at babarilin ko kayo!” sabi ng may hawak na baril.
Kumilos si Tatay para kunin ang box na lalagyan ng kinita namin buong maghapon. Ako ay nakatingin lang at nanginginig sa takot.
Pahablot na kinuha ng lalaking may baril ang box na lalagyan ng perang kinita namin. Walang nagawa si Tatay.
“Bumaba kayo!” utos ng lalaking may baril. “Bilis!”
Bumaba kami ng Tatay. Wala kaming magawa kundi ang sumunod. Nakatutok ang baril sa amin.
Nang makababa kami ni Tatay, sumampa ang dalawang holdaper. Hinawakan ang renda ni Itim.
“Huwag kayong susunod, babarilin ko kayo!”
Nirendahan na si Itim para tumakbo. Pero ayaw kumilos si Itim. Dinampot ng holdaper ang latigo na nasa tagiliran ng kalesa. Hinagupit si Itim.
Biglang tumakbo si Itim. Mabilis na mabilis. Pagkatapos ay biglang tumigil. Talsik palabas ng kalesa ang dalawang holdaper! Una ang ulo! (Itutuloy)
- Latest















