Masustansiya pero mapanganib sa puso
May paalala kamakailan ang Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute na hindi awtomatikong ligtas sa puso ang isang pagkain dahil lamang ito’y masustansiya. Kahit pa may taglay na bitamina, protina at mineral, maaari pa ring makapinsala sa kalusugan kung sosobra ang pagkain nito. Kaya hinihikayat ang mga Pilipino na kumain nang may kontrol at balanse upang mapanatiling malusog ang puso.
Ayon kay Shannen Faye Q. Arevalo, science research specialist ng DOST-FNRI, anumang bagay ay nagiging masama kapag sumobra. Dapat pag-isipan ang lahat ng kinakain kahit pa ikinokonsiderang masustansiya ang mga ito. Idiniin niya ang kahalagahan ng pagkontrol sa pagkain upang matiyak na natatanggap ng katawan ang kailangang sustansiya nang hindi nasosobrahan, at ang pag-iwas sa labis na pagkain ng iisang uri ng putahe.
Nilinaw din ni Arevalo na hindi lahat ng tinatawag na low-fat food products ay tunay na masustansiya. Ang ilan sa mga canned fruits, gatas at condiments ay may dagdag na asukal o asin para sa lasa, habang ang iba naman ay kulang sa fiber, bitamina at mineral. Kaya mahalagang suriin ang nilalaman ng mga produktong ito bago bilhin at kainin.
Mabigat ang dahilan kung bakit kailangang seryosohin ang ganitong paalala. Batay sa World Health Organization, tinatayang halos 20 milyong tao ang namatay dahil sa cardiovascular disease noong 2022 hanggang 2025, at patuloy itong tumataas sa mga sumunod na taon. Tinatayang 85 porsiyento ng mga pagkamatay na ito ay sanhi ng atake sa puso at stroke. Sa Pilipinas, ischemic heart disease ang pangunahing sanhi ng kamatayan noong 2024, at kabilang sa mga salik nito ang hindi malusog na pagkain tulad ng sobrang maalat, matamis at maraming taba.
Kaya payo ni Arevalo na basahin ang food label at nutrition facts sa mga produktong binibili. Tingnan kung pinalitan ng maraming asukal o arina ang taba, at kung kulang sa bitamina at mineral ang pagkain. Ang labis na asukal ay nakadaragdag sa timbang at panganib sa sakit sa puso. Mas mahalaga rin ang pagpili ng uri ng taba kaysa tuluyang pag-iwas sa taba.
Hindi lahat ng taba ay masama sa puso. May mga tinatawag na polyunsaturated at monounsaturated fats na nakatutulong sa pagpapababa ng bad cholesterol o LDL. Karaniwang makikita ang mga ito sa mga pagkaing mula sa halaman, mani, buto at isda. Ngunit kahit ang mga ito ay dapat kainin nang katamtaman. Ang mga pagkaing tulad ng mani, olive oil, abokado at salmon ay masustansiya ngunit mataas sa calories. Kapag sumobra ang calories, tumataas ang timbang na isa ring salik sa sakit sa puso at stroke. Maging ang gata ng niyog, bagama’t bahagi ng tradisyunal na lutuing Pilipino, ay maaaring magdulot ng masamang epekto kapag madalas at napakarami ang konsumo dahil sa taglay nitong saturated fat.
Binanggit din ni Arevalo na may mga sustansiyang mahalaga sa kalusugan ng puso. Kabilang dito ang soluble dietary fiber na kumikilos na parang espongha na sumisipsip sa taba sa bituka kaya hindi ito nasisipsip ng katawan at nakatutulong sa pagpapababa ng masamang kolesterol. Mahalaga rin ang omega-3 fatty acids sa pagpapababa ng triglycerides, blood pressure at panganib sa sakit sa puso at stroke. Ang potassium naman ay tumutulong na mailabas sa ihi ang sobrang sodium kaya nakatutulong sa pagpapababa ng alta presyon. Ang unsaturated fats na karaniwang makukuha sa mga gulay at isda ay mahalaga rin sa kalusugan ng puso.
Ipinaalala pa ni Arevalo, ang tamang pagpili ng pagkain ang pundasyon ng malusog na puso at pangkalahatang kalusugan. Dagdag pa niya, ang sabayang pagkain, pagluluto at pagpaplano ng menu ay hindi lamang nakabubuti sa puso kundi nakatutulong din sa pagpapatatag ng samahan ng pamilya.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















