Dinastiya, matatapos na ba?
MAY isang panukala na kapag naging batas sa kasalukuyang Kongreso ay sapat na para ating ituring na mga makabagong bayani ang mga nakaupong senador at kongresista. Ito’y ang panukalang-batas na tatapos sa political dynasty. Dapat sabitan ng medalya ang bawat senador at kongresista na papabor sa panukala.
Bakit kapahayagan ito ng pagkabayani? Sapagkat ang panukalang-batas ay bumabangga sa pansariling kapakanan ng mga mambabatas alang-alang sa kabutihan ng bansa. Sapagkat ang panukala ay magpapatunay sa pagiging kagalang-galang at pagiging lingkod-bayan ng mga mambabatas.
Ayon sa mga pag-aaral, halos walumpung porsiyento ng mga nakaupo sa iba’t ibang puwesto, mula sa barangay hanggang sa Senado, ay nagmula sa mga family dynasties. Lumalabas din sa mga pag-aaral na karamihan sa mga lugar na kontrolado ng mga dinastiya ay nananatiling mahirap at mabagal ang pag-unlad. Unang-unang dahilan nito ay ang kawalan ng checks and balance kapag iisang pamilya ang may kontrol ng kapangyarihan. Ang ganitong kalagayan ay nag-aanyaya sa pagsasamantala, pandaraya, at katiwalian. At nagagawa ito nang walang pagkatakot na mabisto at mapanagot. Kasi, nagkukutsabahan.
Totoo naman na may mga dinastiya na magagaling at tapat, at kinikilala natin ang mga ito. Pero iilan lamang sila. Kahit na sila’y magagaling at tapat, wala silang monopolya ng kagalingan at katapatan. Marami pang ibang Pilipino na dapat bigyan din ng pagkakataong makapaglingkod. Sapat na sa isang pamilya ang maluklok sa kapangyarihan sa isang takdang panahon.
Ang dinastiya ay ipinagbabawal sa ating Konstitusyon na pinagtibay noong 1987. Ang problema, ipinaubaya ng mga may-akda ng Konstitusyon sa Kongreso ang pagpapalabas ng batas na magdedetalye ng implementasyon ng pagbabawal sa political dynasty. Sa isang panayam, tinanong ng media ang isang may-akda ng Konstitusyon kung bakit hindi pa nila dinitalye sa Konstitusyon ang pagpapatupad ng pagbabawal sa dinastiya. Sinabi ng naturang may-akda na inakala nila na ang Kongreso ay mabilis na magpapatibay ng batas tungkol dito. ‘Yon ang pinakamaling akala at pinakamalaking pagkakamali. Tatlumpu’t siyam na taon na ang lumipas ay wala pang naipapasang batas ang Kongreso para sa implementasyon ng pagbabawal sa dinastiya.
Magagawa kaya ng kasalukuyang Kongreso ang hindi nagawa ng mga nakaraan? Dumating na kaya ang panahon na mas makapangingibabaw sa mga mambabatas ang pagmamahal sa bansa kaysa sarili nilang pamilya? Ito na kaya ang panahon na tatalikuran nila ang kanilang sarili at uunahin ang iba na tulad ng sinabi ni Hesus sa Marcos 9:35, “Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya’y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”
Hangga’t hindi nabubuwag ang dinastiya, wala tayong aasahang makabuluhang pagbabago, mananatili tayo na isa sa pinakatiwaling bansa sa Asya at sa buong daigdig. Hangga’t walang batas na magpapatupad sa pagbabawal sa dinastiya, marami pang isisilang na mga dambuhalang katiwalian na katulad ng katiwalian sa mga flood control projects.
Masarap mangarap. Nangangarap ako na sa halalan sa 2028 ay bawal na ang dinastiya kung kaya’t makapaghahalal tayo ng Presidente, Bise Presidente, mayor, governor, senador at kongresista na hindi mula sa dinastiya, kundi mula sa iba-ibang pamilya na talagang kumakatawan sa mamamayang Pilipino. Mangyayari ito, kung pipiliin ng kasalukuyan nating mga mababatas na magpakabayani at gumawa nang malaking sakripisyo para sa bayan. Nawa’y dumating na ang mga makabagong bayani ng ating henerasyon!
- Latest















