EDITORYAL — Kuwestiyunableng licensure examination for teachers

SABI ng report ng EDCOM 2, may mga item umano sa March 2023 Board Licensure Examination for Professional Teachers na nag-leak online. Pero pinabulaanan ito ng Professional Regulations Commission (PRC) dahil ubod daw sila nang higpit. Katunayan daw mga miyembro ng board ay karaniwang naka-quarantine habang binubuo ang questionnaire. Imposible raw na manggaling sa PRC ang leak. Maaring nagkaroon daw ng leak habang ginaganap ang examination
Hindi ito simpleng report na dapat balewalain. Dapat maimbestigahan at nang malaman ang katotohanan. Kung nagkaroon ng leak, sino ang responsable?
Isa mga labis na nabahala ay si Sen. Sherwin Gatchalian. Hindi lamang ukol sa teacher exams ang kanyang ikinabahala kundi pati na rin ang ibang professional licensure examinations na pinangangasiwaan ng PRC. “The point of coming up with an examination for professionals is to ensure that we have doctors, engineers, or teachers who are qualified. Nakakatakot na mamatayan tayo dahil lang may leakage kaya nakapasang doktor o gumuho ang mga building dahil nakapasa na engineer dahil sa leakage. Even though it’s an allegation, I’m very much concerned because we spend so much in regulating these professions and so much time in making laws,” sabi ni Gatchalian sa pagdinig sa Senado.
Tama ang sinabi ni Gatchalian na napakadelikado kung ang pumasa sa licensure examination ay nakinabang sa “leak”. Ano ang aasahan kung ang isang engineer, architect, doktor at teacher ay nakapasa dahil sa pandaraya.
Kung ang engineer ay pumasa dahil sa daya, delikadong ang kanyang mga ginawang isruktura ay bumagsak. Paano kung ang doktor ay pumasa dahil sa daya, posibleng mamatay ang kanyang pasyente dahil walang nalalaman sa medisina.
Hindi lamang doktor, arkitekto o engineer ang maaring mapasama kung nakapasa dahil sa leak. Kabilang din dito ang mga guro. Sa totoo lang mas mabigat kung ang mga guro ang makapasa dahil sa pandaraya. Ano ang itatanim niya sa kaisipan ng kanyang mga estudyante kung siya ay nakapasa dahil sa pandaraya?
Natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) noong nakaraang Enero 18, 2025 na 70 percent ng Grade 3 pupils ang hindi marunong bumasa. Natuklasan din na bumaba sa 19.56 percent ang proficiency sa ginawang 2024 National Achievement Test sa Grade 6 pupils.
Hindi kaya ang kuwestiyunableng licensure examinations for teachers ay konektado sa mga mahihinang guro? Kung mahina ang guro, tiyak na mahina rin ang estudyante. Ang mabilis na pagkilos ng DepEd sa bumababang kalidad ng edukasyon ay nararapat. Isakatuparan din ang pag-hire ng mga mahuhusay na guro. Maaaring gawin ang mga ito sapagkat malaki ang budget ng kagawaran.
- Latest















