‘Itim’ (Part 1)
Si Itim ang aming pinakamamahal na kabayo na nabuhay noong dekada ‘80. Itim na itim ang kanyang balahibo at malalago ang balahibo sa batok at buntot. Makintab na makintab ang kanyang balahibo na kapag tinatamaan ng sikat ng araw ay nakasisilaw.
Ayon kay Tatay (yumao na noong nakaraang taon), si Itim ay nakita niya sa isang hukay na malalim noong siya ay galing sa pag-araro sa aming bukid sa probinsiya. Ayon kay Tatay, nakarinig siya ng halinghing o iyak ng kabayo habang nagdaraan sa isang masukal na lugar. Nakasakay si Tatay sa kalabaw na may hilang karmata o kangga.
Tumigil umano si Tatay at pinakinggan kung saan nanggagaling ang iyak ng kabayo. Pero hindi niya matukoy sapagkat paputol-putol ang iyak o halinghing. Parang galing sa hukay.
Hinanap na mabuti ni Tatay ang pinanggagalingan ng iyak. Nahirapan siyang hanapin. Hanggang sa mapagtuunan niya ng pansin ang isang bunton ng lupa na kahuhukay lamang.
Nilapitan niya ang bunton ng lupa at nagulat siya sa nakita. May hukay doon. At sa ilalim ay naroon ang itim na itim na maliit na kabayo o bisiro. Humalinghing nang todo ang bisiro nang makita si Tatay na para bang humihingi ng tulong.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Tatay at nilusong ang hukay para kunin ang bisiro. (Itutuloy)
- Latest















