May utang ang yumaong kapatid babayaran ba niya?
Dear Attorney,
Nararapat ko bang bayaran ang utang ng namayapa kong kapatid? — Pete
Dear Pete,
Hindi ka personal na obligadong bayaran ang utang ng kapatid mong namatay, maliban na lamang kung ikaw ay co-maker, guarantor, o surety ng kanyang utang.
Kung hindi ka naman isa sa mga nabanggit, wala kang obligasyon para bayaran ang halagang hiniram ng iyong kapatid.
Gayunman, ang utang ng yumao ay mananatiling obligasyon ng kanyang estate o ‘yung mga ari-arian na kanyang naiwan.
Bago maipamahagi ang mana sa mga tagapagmana, kailangang mabayaran muna ang utang mula sa mga ari-ariang naiwan ng namatay.
Kung wala namang ari-arian ng namatay o kung hindi ito sapat para mabayaran ang lahat ng kanyang naging pagkakautang, hindi na maaring ipasa sa mga tagapagmana ang natitirang utang.
Sa madaling sabi, hindi mo personal na obligasyon ang pagbabayad ng naiwang utang ng iyong kapatid, puwera na lamang kung pumasok ka sa isang kasunduan para sagutin mo ang pagbabayad nito.
Maari rin mabayaran ang utang mula sa ari-arian ng yumao kaya hindi ito magiging personal na pananagutan ng mga naiwan niyang kamag-anak.
- Latest















