^

Punto Mo

‘Ang mamatay nang dahil sa iyo’

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PAMBALA sa kanyon. Ito’y salitang kanto na ginagamit para hamakin ang isang tao. Ang isang tinaguriang pambala sa kanyon ay walang halaga; hindi panghihinayangan kung sakaling mapatay sa isang labanan. Noon, naririnig lang ang katagang ito sa kalye.

Ngayon, ang katagang ito’y naririnig na sa loob ng Kongreso, tahanan ng mga kagalang-galang ng lipunan. Hindi na mga maton ang nagsasalita, kundi mga mambabatas, tulad ng isang Kongresista na nagsabing ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard at ilang mga Senador na tumutuligsa sa China dahil sa pag-angkin nito sa mga teritoryo ng Pilipijas sa West Philippine Sea (WPS) ay dapat ipambala sa kanyon kung sakaling giyerahin tayo ng China. Kapag giniyera tayo ng China, kasalanan ito diumano ng mga opisyales ng gobyerno na tumutuligsa sa China. Kasalanan na pala ngayon ang magmahal sa sariling bansa.

Mahal ba ng mga Pilipino ang Pilipinas? Sa isang sarbey ng World Population Review, lumabas na ang tatlong lahi na lubos na nagmamahal sa kanilang bansa ay ang mga mamamayan ng US, India, at Australia. Sa US, 41 percent ng mga sinarbey ay nagsabing mahal nila ang US; sa India, 36 percent; at sa Australia, 34 percent. Sa Pilipinas, 15 percent lang ang nagsabing mahal nila ang Pilipinas.

Batay sa sarbey, napakaliit ng porsyento ng mga Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas. Gayunman, nang tanungin ang mga Pilipino kung handa silang mamatay para sa Pilipinas, 73 percent ay sumagot ng “oo.” Handa nilang gawin ang panghuling pangungusap sa ating Pambansang Awit na nagsasabing, “Ang mamatay ng dahil sa iyo.” Hindi sila papayag na kahit isang dangkal ng ating teritoryo ay mapupunta sa ibang bansa. Kabaligtaran ito sa mungkahi ng isang Senador na ibigay na lamang natin sa China ang mga islang bumubuo sa Kalayaan nang matigil na ang gulo.

Hindi tayo nakikipaggiyera sa China. Wala tayong laban sa isang world power na tulad ng China. Pero alalahanin natin ang kasaysayan ng Vietnam. Dahil sa matinding pagmamahal sa kanilang bansa, tinalo ng mga Vietnamese ang U.S. na isang super power.  Ang Vietnam ngayon ay isa sa napakabilis umunlad na bansa sa Asya.   

Hindi komo tinutuligsa natin ang pagsakop ng China sa mga teritoryo natin sa WPS ay naghahamon na tayo ng giyera. Ang pangalagaan ang ating karapatan at sobereniya bilang isang bansa ay hindi paghahamon ng giyera. Ito’y simpleng pagtatanggol sa ating karapatan. Ang pagkampi sa ating mga lider na tumutuligsa sa China dahil sa panggigipit at pambobomba sa ating mga mangingisda sa WPS ay hindi paghahamon ng giyera. Ito’y simpleng pangangalaga sa ating mga mamamayan na nangingisda lamang sa karagatang sakop ng ating teritoryo. Ang pananahimik sa harap ng ganitong kalagayan ay hindi pagiging diplomatiko. Ito’y simpleng karuwagan at pagtataksil sa bayan.

Sobra ang ating pagkakahati-hati. Pagkakahati-hati sa relihiyon, pulitika, at kalagayan sa buhay. Pero sana, kapag may tunggalian tayo sa ibang bansa ay iisa na lamang tayo--Pilipino tayong lahat na handang pangalagaan at ipagtanggol ang dangal ng ating bansa. Wala na sanang Tsinador, traydor, taksil sa bayan, Makapili, o kung anu-ano pang katawagan. Sana, isa na lamang ang itatawag sa atin--Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas! Pilipinong handang magbuwis ng buhay para sa Pilipinas!

PHILIPPINE COAST GUARD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with