Blue Ribbon findings, malabo pa rin!
BAHAW na putahe ang panlasa ng taumbayan sa kahihinatnan ng Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Ping Lacson. Halu-halong isyu ng korapsyon ang nasa kukote nito.
Maliwanag na sabit si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan sa mga kahayupang transaksyon.
Nakabalik na si Bonoan mula U.S. pero nagdududa ang taumbayan na inayos lang nito ang bank deposits sa ibang bansa. Totoo kaya ito?
Pinaiinit namang putahe ngayon ang pagsasampa ng kaso kina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva. Aray ko po!
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, abogado ni Brice Hernandez, anim na senador talaga ang sangkot sa kurakutan pero hindi ito pinangalanan sa imbestigasyon ng Senado. Huhulaan pa ba natin na kasali si Manang Imee?
Nagbembangan sina Imee at Ping na nauwi sa isyu ng bakla, retoke at pustiso na nagpasaya sa mamamayan. Hindi po Roque ang apelyido ni Ping at hindi naman Lacson ang apelyido ni Imee. Ayan tuloy!
Hanggang ngayon, nagtatago pa rin si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na naging encargado ng mga magnanakaw na kongresista. Siya ang Bicolanong kaparte sa nakawan. Ha-ha!
Wala pang linaw kung sino ang ididiin ni Co bilang principal author ng kawalanghiyaan sakaling sumuko ito. Hindi kaya kinakabahan si dating House Speaker Martin?
Pinainit naman ni Sen. Rodante Marcoleta ang isyu ng West Philippine Sea sa nakagigimbal na suhestiyon nito. Isuko na raw natin ang karapatan sa Kalayaan Group of Islands sa Palawan. Lalong luminaw ang pambabahaw sa isyu ng nakawan sa DPWH. Diversionary tactics daw kaya nila?
Asahan na marami pa ang lilitaw sa Blue Ribbon para maiiwas sa isyu ang mga kongresistang dapat makulong. Kailangan nilang ma-impeach si Sara eh!
- Latest




















