Baka gusto mong magpalit ng mukha
KUNG maaari lamang dito sa atin, face transplant ang isa sa remedyo para sa mga taong nawasak ang mukha dahil sa sakit, sakuna o aksidente maaaring nasabugan, nasunog, o kaya’y ipinanganak na lubhang depormado ang mukha. Hindi usapin ng kagandahan ang operasyon kundi ang simpleng kakayahang huminga, kumain, magsalita at makihalubilo muli sa kapwa.
Wala pang naisasagawang face transplant sa Pilipinas. Bukod sa napakamahal nito, delikado rin ang operasyon at nangangailangan ng pasilidad at mga espesyalistang kadalasang nasa ibang bansa lamang.
Sa buong mundo, mahigit limampung face transplant pa lamang ang naisagawa hanggang bago matapos ang 2025. Nangunguna rito ang Turkey, France, United States at Spain. Ang kauna-unahang matagumpay na face transplant ay isinagawa sa France noong Nobyembre 2005.
May mga kasong bahagi lamang ng mukha ang inilipat, tulad ng ilong, pisngi o labi, at mayroon ding buong mukha ang pinalitan. Sa mga naunang operasyon, ang mga donor ay karaniwang mga taong namatay sa aksidente, naging brain-dead, o namatay sa cardiac arrest, at ang pahintulot ay nagmumula sa kanilang pamilya.
Noong huling bahagi ng 2025, matagumpay na isinagawa sa Vall d’Hebron University Hospital sa Barcelona, Spain ang face transplant sa isang babaeng pasyente na kinilalang si Carme. Nasira ang kanyang mukha dahil sa isang agresibong impeksiyon na nagsimula umano sa kagat ng insekto.
Unti-unting naapektuhan ang kanyang paghinga, pagkain, pagsasalita at maging ang paningin. Ang operasyon ay isinagawa ng humigit-kumulang isang daang health professionals mga surgeon, anesthesiologist, nurse, psychiatrist, immunologist at mga dalubhasa sa microsurgery at tumagal ng mahahabang oras matapos ang masusing paghahanda.
Itinuturing na milestone ang operasyong ito. Unang face transplant na ang donor ay buhay pa nang pumayag siyang idonasyon ang kanyang mukha bago siya sumailalim sa legal na euthanasia.
Ayon sa ulat ng Euronews, naidokumento nang maaga ang pahintulot ng donor para sa organ at tissue donation, at malinaw na hiwalay ang desisyong sumailalim sa euthanasia sa desisyong mag-donate.
Nabatid din na magkapareho ang kasarian ng donor at ng pasyente isang mahalagang rekisito sa face transplant at tugma ang uri ng dugo at halos magkapareho ang sukat ng kanilang mga ulo upang mas maayos na maiugnay ang balat, kalamnan, ugat at nerbiyos na ililipat.
Hindi rin gaanong inilantad sa publiko ang detalye tungkol sa donor, tulad ng kanyang karamdaman o ang eksaktong dahilan ng pagdedesisyon na sumailalim sa euthanasia. Bahagi ito ng paggalang sa kanyang pribadong buhay at sa kanyang pamilya.
Dito sa Pilipinas, cosmetic, plastic at reconstructive surgery pa lamang ang karaniwang ginagawa mga operasyong hindi nangangailangan ng donor mula sa ibang tao.
Sa ganitong mga kaso, ang balat, taba, kalamnan o buto ay kinukuha mula rin sa ibang bahagi ng sariling katawan ng pasyente, kaya walang isyu ng pagtanggi ng katawan at hindi na kailangan ng habambuhay na pag-inom ng gamot.
Kontrobersiyal, sensitibo at puno ng tanong ang face transplant. Para bang minana mo ang mukha ng ibang tao. Ikaw pa rin kaya ang dating ikaw kapag iba na ang mukhang nakikita mo sa salamin?
Ngunit paano kung ito lamang ang paraan upang mabuhay at makakilos nang normal isang bagay na hindi mo nagawa noong wasak pa ang iyong mukha?
Baka magamit ng kriminal ang face transplant para makapagtago.
Sa huli, ang face transplant ay hindi simpleng pagpapalit ng mukha. Isa itong pagsubok sa hangganan ng agham, batas at etika isang paalala na sa likod ng mga pambihirang tagumpay ng medisina ay laging naroroon ang mas malalim na tanong tungkol sa buhay, kamatayan at dignidad ng tao.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















