^

Punto Mo

Makabagong Makapili

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NOONG 1944, panahon ng pananakop ng mga Japanese sa Pilipinas ay itinatag ang Makabayang Katipunan ng mga Pilipino na mas kilala sa tawag na Makapili upang suportahan ang pananakop ng Japanese Imperial Army. 

Kapag may isinusuplong na Pilipinong lumalaban sa mga dayuhang mananakop, nagsusuot sila ng bayong na may butas sa tapat ng mga mata. Bawat ituro nila’y marahas na pinapatay ng mga sundalong Japanese. Tinagurian silang mga traydor, sapagkat kinampihan nila ang mga sundalong Japanese kaysa mga sundalong Pilipino dahil sa alok na gantimpala o kapangyarihan.

Panahon iyon ng giyera. Sa panahon ngayon ng katahimikan, may mga tinatawag na makabagong Makapili, sapagkat mas kinakampihan nila ang China kaysa Pilipinas sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na inaangkin ng China sa bisa ng ipinalabas nitong nine-dash line.

Noong 2012, idineklara ni Presidente Aquino na sa atin ang WPS na kinabibilangan ng karagatan ng Luzon at mga karagatang nakapaligid sa Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc na kilala bilang Scarborough Shoal, sa bisa ng 1982 United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) na kumikilala na ang WPS ay sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ngunit hindi ito kinilala ng China, sa halip, sinakop nito ang Scarborough Shoal at patuloy na nagtatayo ng mga artipisyal na isla at base militar sa WPS. Nagsampa ng kaso ang Pilipinas sa Arbitral Tribunal. Bilang tugon, noong 2016, nagpalabas ito ng ruling na nagdedeklara na ang WPS ay sa Pilipinas at walang saligan ang nine-dash line ng China.

Hindi pa rin ito kinikilala ng China, sa halip ay patuloy itong nagpapadala ng mga barkong nagtataboy at nagbobomba ng tubig sa mga Pilipinong nangingisda sa WPS. Umaabot na sa 46 bansa ang hayagang sumusuporta sa ating paninindigan.

Pero ang malungkot, itinuring ni dating Presidente Duterte na ang ruling ng Arbitral Tribunal ay isa lamang kapirasong papel na walang silbi. At ngayon, may matataas na opisyales ng gobyerno, kabilang na ang ilang senador at kongresista, na mas kumakampi pa sa China.   

Napakayaman ng WPS. May lawak itong 2,263,816 square kilometers, 6.2 bilyong bariles ng langis, 12.15 trilyong cubit feet ng gas, at iba’t ibang coral reefs na pinamamahayan ng iba’t ibang uri ng isda na pinagmumulan ng kabuhayan ng ating mga mangignisda.  Ngunit higit sa lahat, ang WPS ay simbolo ng ating bansa, likas na yamang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Ang pagtatanggol sa WPS ay kapahayagan ng pagiging makabayan. Ang mga kumakampi sa China na umaangkin sa WPS ay nagtataksil sa Pilipinas. Maituturing silang mga makabagong Makapili.

May sinabi ang ating pambansang bayaning si Jose Rizal sa mga kabataan na angkop na angkop sa ating mga lider sa kasalukuyan. Ganito ang wika niya, “Mahalin ninyo ang inyong bayan hindi dahil ito’y perpekto, kundi dahil ito’y nangangailangan ng inyong talino, sipag, at malasakit.  Kung nais ninyong baguhin ang bayan, simulan ninyo sa inyong konsensya.”

Ito ang problema, marami sa ating matataas na lider ay walang malasakit sa bansa, ang laging inuuna ay ang sarili at kung paano mananatili sa kapangyarihan.  At higit sa lahat, marami sa kanila ay walang konsensya, kung paanong walang konsensiya ang mga Makapili noong panahon ng giyera. Sobrang nakalulungkot!

JAPANESE IMPERIAL ARMY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with