Babawasan ang leaves
Dear Attorney,
Sa employment contract ko ay malinaw na may 9 vacation leave at 9 sick leave ako, bale 18 leave credits. Ngayon po ay inanunsyo ng HR na 5 Service Incentive Leaves at 5 vacation leaves na lang ang mayroon bawat empleyado kaya magiging 10 na lang lahat. Legal ba ito? – Mandy
Dear Mandy,
Sa ilalim ng Labor Code, ang minimum lamang na required ng batas ay ang 5-day Service Incentive Leave para sa mga kuwalipikadong empleyado.
Gayunman, kung ang employer ay kusang nagbigay ng higit na benepisyo kaysa sa nakasaad sa Labor Code at ito ay matagal nang ipinatutupad bilang company practice, ang naturang benepisyo ay hindi na maaaring basta-basta bawasan o alisin.
Ito ay dahil sa tinatawag na non-diminution of benefits, kung saan ang isang benepisyo na naibigay nang tuluy-tuloy, boluntaryo, at hindi dahil sa pagkakamali, ay nagiging bahagi na ng terms and conditions of employment sa pagitan ng employer at empleyado.
Ibang usapan din kung ang bilang ng leave credits ay nakasaad mismo sa employment contract. Hindi na ito maaring ibahin ng employer dahil ang kontrata at ang mga nakapaloob ditong mga probisyon ay nagsisilbing batas sa pagitan ng employer at empleyado kaya hindi basta-basta maaring bawasan o alisin ang mga benepisyong nakasaad doon.
May mga limitadong pagkakataon lamang kung kailan maaring mabawasan ng benepisyo, tulad ng kung ito ay resulta ng isang valid na collective bargaining agreement, o kung may malinaw at boluntaryong pagsang-ayon ang empleyado. Kung wala ang alinman sa mga ito, ang pagbabawas ng leave creditsay labag sa batas at maaaring kuwestiyunin bilang paglabag sa employment contract at non-diminution rule.
Sa iyong sitwasyon, dahil malinaw naman na nakasaad sa kontrata kung ilan dapat ang iyong leaves ay may matibay kang batayan upang tutulan ang magiging pagbabago. Maaari kang makipag-usap muna sa HR at ipaalala ang probisyon ng iyong kontrata.
Kung ipipilit pa rin ang bagong company policy ukol sa leaves, maaari kang dumulog sa DOLE o NLRC kung hindi isaalang-alang ng employer ang nakasaad sa iyong kontrata.
- Latest
















