May tiwala ka ba sa reseta ng makina?
NAKAIINTRIGA ang resulta ng isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Massachusetts Institute of Technology o MIT na iniulat ng New York Post at inilathala sa prestihiyosong New England Journal of Medicine.
Ayon sa pag-aaral, mas nagtitiwala umano ang maraming tao sa payong medikal na ibinibigay ng artificial intelligence (AI) chatbots kaysa sa mga doktor na totoong tao, kahit may kakayahan ding maglabas ng maling impormasyon ang mga makinang ito.
Ang mga chatbot ay mga software application o web interface na maaaring buksan sa computer o smartphone at idinisenyong tularan ang pakikipag-usap ng tao sa pamamagitan ng text o boses. Nagmumukhang may “kaalaman” at “pag-unawa” ang chatbot, kahit sa totoo’y wala itong kamalayan, karanasan, o responsibilidad gaya ng sa isang lisensiyadong manggagamot.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga pinakakilalang chatbot ang ChatGPT, Gemini, DeepSeek, Alexa, Grok, Perplexity AI, Claude at GigaChat. Dahil mabilis silang sumagot at madaling lapitan, marami ang gumagamit sa kanila bilang unang takbuhan sa iba’t ibang tanong, kabilang na ang mga may kaugnayan sa kalusugan. Para kang kumukunsulta sa doktor na tao.
Kadalasan namang may paalala ang mga chatbot na ang kanilang ibinibigay ay gabay lamang at hindi kapalit ng propesyonal na medikal na payo.
Sa pag-aaral ng MIT, humigit-kumulang tatlong daang kalahok ang hinilingang suriin ang mga medical response na isinulat ng isang lisensiyadong doktor, ng isang online healthcare platform, at ng isang AI model na katulad ng ChatGPT. Ipinabasa sa kanila ang mga sagot nang hindi ipinapakita kung sino ang may-akda.
Lumitaw na kapwa mga eksperto at karaniwang mamamayan ang nagsabing mas accurate, mas kumpleto, at mas mapagkakatiwalaan ang mga sagot na ginawa ng AI. Kapansin-pansin din na hindi malinaw na natukoy ng karamihan kung alin ang gawa ng doktor at alin ang gawa ng chatbot.
Ipinakita rin sa ibang pag-aaral na may mataas na posibilidad na sundin ng mga tao ang payong medikal ng chatbot kahit mali o potensiyal na mapanganib. Meron nang mga kaso ng mga taong naospital dahil sa pagsunod sa payong nakuha sa AI nang hindi sinuri kung tama o mali.
Sa pananaw ng mga eksperto, hindi lahat ng impormasyong ibinubuga ng AI ay nakabatay sa matibay na ebidensiyang siyentipiko o sa aktuwal na clinical guidelines. Tulad ng idiniin ni Dr. Darren Lebl, research service chief ng spine surgery sa Hospital for Special Surgery sa New York, maraming rekomendasyong lumalabas mula sa AI programs ang walang malinaw na batayang siyentipiko at hindi dumaan sa masusing pagsusuri na karaniwang ginagawa sa medisina.
Dito sa Pilipinas, wala pang malalaking isyung naiulat hinggil sa paggamit ng AI chatbots sa usaping pangkalusugan. Gayunman, dumarami na rin ang mga Pilipinong gumagamit ng mga ganitong teknolohiya.
Nakababahala kung lubos na paniniwalaan at susundin ng ilan ang anumang payong medikal na ibinibigay ng makina, lalo na kung hindi ito kinukumpara sa ibang mapagkakatiwalaang sanggunian o sinusuri ng isang propesyonal.
Mahalagang tandaan ang paulit-ulit na paalala ng mga chatbot na hindi sila kapalit ng doktor. Ang tanong: paano kung hindi ito pinapansin? Paano kung ang gumagamit ay walang sapat na pera para sa konsultasyon, laboratoryo, gamot, o pagpapaospital?
Sa ganitong kalagayan, madaling maunawaan kung bakit nagiging tukso ang pagkonsulta na lamang sa AI. Nawawaglit sa isip ang kahalagahang maging mapanuri, magmatyag at huwag basta magtiwala sa “reseta” ng makina.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















